Friday, November 5, 2010

Tayong Nakararami


a. Dahil Alam Kong Walang Sayàng Magtatagal

Tikman nang malasahan ang sarap ng lawa sa guniguni.
May bukas nga. Heto ako’t gising na sa bagong umaga,
Kaakibat ang walang-sawang kakayahang magpasarap
Sa mala-santong kawalang-nais: walang nakaeengganyo,

Walang nanghihimok at walang nakakawalang-respeto,
Lahat ng bagay sapat, at makakaya ko pang magpasasa
Palutang-lutang dito sa gitna ng lawang tapat na hindi na
Lumilingon sa pinanggalingang lupa, tanging hinihintay

Ay ang pagkagunaw ng payapang bangka. Huwag kang
Maiinggit sa akin, o mahiyang lumapit; maski ikaw man
Ay makatatanggap ng ganitong alwan sa mabagal mong
Pagdais. Sasabihin ko na sa iyo kung saan ko ito nakita:

Di ko inihahambing ang linamnam ng gintong tuyo sa foie
Gras ni Chef Jamonita ng Tsalap’s. Tanggap ko, kaharian
Ko’y wala sa mga araw, buwan o taon, kundi sa paggapang
Ng walang-hanggang kasalukuyan na di sinusukat ang asim

Ng mga bagay, kundi ang pagyakap ko sa bawat isa sa mga
Ito, na tinitikman upang malasahan ang alat ng lipunan. Oo
Nga’t minsan ay may pait ng pagkakamali, ngunit ang mali
Ay di mali kung kinakailangang mailapat yang pait sa dila

Na mamaya ay dadapuan ng tamis. Walang kakila-kilabot
Ang lasa o lasang-kendi. Parehong elemento sila ng bangis
Ng recipe ng buhay. Hihikayatin ko kayo sa kalinamnaman
Na narito mula pa kahapon. Kulong ako ng pagkakuntento,

Sabi mo, ngunit ang tao, pag kuntento ngang tunay, ay hindi
Maaaring hindi maumay. Konsepto ko ay walang masyadong
Pagtingin sa kakulangan o kasapatan, walang pakialam sa mga
Konsepto. Ang mga nararamdaman ko ay hinahayaan ko lang

Na magasgas sa arawang dingding ng nadadaanan kong mga
Higanteng gusali o barko, mga nakasanayang ginhawa ay di
Na masaya o malupit, tanging naiiwa’y ang mga dingding na
Gasgas na may iwang bakas ng aking kawalang-pakiramdam.



b. May Nasaktang Planetang Walang Partido

Makabubuti sigurong sumakay na sa matuling kabayo
Kapag nasugatan na, ang mga parating na itim na ulap
Ay maaari pang takasan, maaari pang maisalba natin
Ang ating mga sarili, tayong nakararami, tayong mga

Maaaring magkapit-bisig. Ngunit sa teknolohiya nga
Ba natin, mapapaslang pa ang lider ng Dilim? Huwag
Aasa na di ito muling mabubuhay sa bagong katauhan
Ng kanyang alipores; bawat alalay niya ay lider din,

Buhay sa umiikot na hangin ng kaaway. Huwag kang
Magrerelaks, Max, mata mo ay talasan, ang dilim ay
May dalang aral: sa mundo, magkakaiba ang timpla,
May kanya-kanyang konsepto ng mapayapa’t giyera,

At sa pagkakaibang ito ang klima’y hati sa dalawang
Importanteng impormante ng talino. Itong sa kaliwa,
Kanan, gitna o anuman ay mga hagibis lamang, pag
Kinutya ang planeta di magpapatawad, ang nasaktan

Mo’y gaganti nang walang kabayo, hawak ang ulap.




c. Ang Diyos ni Spinoza

Kung natural at di artipisyal, nararapat na kumilos
Sa naturang kilos ng mga natatanaw na batas
Ng kalikasan, sa talinong wagas ng Natura—kahit
Ito ma’y si Kuro-kuro, ito’y Pisika, Matematika.




d. Ang Tula

Ako’y nakapako na sa aking mga panaginip,
Di bibitiwan hangga’t di naiidlip. Ito ay salbabida,
Ito ay alituntuning sinusunod ng aking Kaharian.

Ito ang binabantayan ng mga tao ko, ang hari nila’y
May Hari sa guniguni kong ito at sinusunod na
Parang utos, na parang unos ng Kaligayahan.

O Salbabida, lalanguyin ng hari ang army ng kalaban.
Salbabida, susubukang lunurin ng Kurapsyon at Kamatayan!


No comments:

Post a Comment