Thursday, August 18, 2011

X → Y


Eczematous existences excite
none, much less the egregiously
glamorous in thought & spirit,
the excrement to our ideology
now extremely laughing at the
ideas of extremal epimorphism.

May dudulog at mangangako
ng karangyaan mula sa galit,
pagkainggit, pait ng salita,
piitan ng kaluluwa. Ideya ito
ng araw-araw na pangangati sa
lansangang may patay na buhay.

Tuesday, May 3, 2011

Iilang Tao (o, Plutokrasya)


At tayo’y dumating, dala ang paniniwala sa malaya
at bukas na lipunan sa ating bayan. Samakatuwid,
yanig nung sabihin sa ating ang kataastaasang diwa
sa lupain natin ay ang pagsunod sa mga batas, hindi
ang diwa ng boses na kumukuwestyon sa kakulangan
o kabaliwan ng iilang batas. Kaya tayo’y nanatili,
na may hikbi sa dibdib na kabado sa armadong may
kautusang panatiliin ang kataastaasang katwiran
ng nangangatwirang mga batas, kahit pa nangangatal
na ang gutom-sa-hustisyang lipunang sabi niyo’y
para sa kanila ang batas. Kaya tayo’y nagpupumilit
sa paniniwalang ang pagsuway sa iilang maliliit
na batas ay ang tanging daan tungo sa paghubog ng
bagong malalaking hakbang, tungo sa kataastaasang
diwa ng tao, mula sa tao, at, oo, para sa tanang tao.

Tuesday, April 12, 2011

Dalawang Tula



1. Himig ng Commuters sa Umagang Lunes

—bilang lyric-song tribute ko sa dating naririnig sa mga jeepney 
na mga awitin ng
        Juan de la Cruz Band tuwing umaga


Halina, mga ‘pare ko’t ‘mare, sa rush hour ng
bagong umaga’t simulan na ang Lunes ng rice
and fish ‘n’ chicken hunting week nating ito!
Bagamat lumang gawi, na di mapawi-pawi ng
madulas na lotto, at kahit hindi madali at sa
katunaya’y sing-hirap ng mahirap na kirot sa
marrow ng inyong mga buto, sasabihin ko pa
ring halina today, halina for tomorrow, sa
siglong wala pa tayong magagawa kundi ang
sumabak nang sumabak sa balong malalim na
‘to—sa rush hour ng nag-oopisina, ng paring
wala nang misa, ng magbobote’t magbabakal,
ng pulis, ng kriminal, ng Presidente, ng mga
walang pulitika’t lubog lang sa kanilang arte,
ng madaldal na contrarianist, ng nagtatagong
communist, ng stockbroker, ng economist, ng
chemist, ng mga nars na nag-night shift, ng
duktor na magkiklinik, ng naghihintay na

promotor, ng pagod nang janitor, ng naghahanap
ng mapapangasawa, ng naghahabol ng kerida,
ng tao, ng hayop, ng insekto sa mga bus, ng mga
dyaryong di naubos, ng taho at puto, ng kapeng
di barako . . . Lakad na, iwan na natin ang
barangay sa kanyang mga housewives at house-
husbands, mga palengkera’t tsismoso, mga
drayber ng traysikel at mga tulog pang basag-
ulero, mga ngumunguya pa ng pan de sal, mga
walang almusal, mga retirado, mga pensyonado,
mga naghihintay ng pagbukas ng bangkong me
padala ng kapamilyang OFW, at mga walang
trabaho, at mga nag-iinuman nang nawalan ng
trabaho. Lunes, Lunes! Tapos na ang Linggo ng
mga kristo, ng ating Kristo. Bilis, bilis! Mahuhuli
ka sa bundy clock ng late magpasahod mong amo.

Give us this day our daily bread, O Lords, O
Plutocrats. Give us this day our inheritance, O
Luck, O capital lottery pot! Nawa’y ang economic
planning na pinag-uusapan sa radyo ay gisingin
tayo pagdating ng carpool ng commune sa istasyon
ng inutang na Manila Metro. O, halina, mga ‘pare’t
‘mare ko, dito tayo magkombo, sa rush hour ng
milyong gumagapang sa bagong umagang ‘to
patungo sa gubat ng business districts kung saan
naroon ang hunting ground ng daily rice ‘n’ fish ‘n’
chicken ng working class mula probinsiya at mga
projects na tulad natin. Ito ang ating balong malalim.

Araw-araw, beep beep beep beep, hanggang Biyernes,
ito ang himig nating aawitin. Limang araw nating aawitin.


2. Linggo

Ito ang sermon ko sa pulpitong bato sa Lunes na totoo,
labas ng “cosmic entertainment” ng Katolikong Linggo,
says Frank O’Hara, at sisimulan ko ang lahat nang ganito:

Ang buhay, ayon kay Longfellow, ay pinapanday ng
arkitektong nakatago sa kaluluwa mo. Gisingin mo ito, at
idisenyo ang panaginip mong bahay-kanlungan ng sarili
mong pagkakuntento. Maaaring ito’y sinlaki ng Gobyerno,
o sing-lawak ng kaalaman mo sa mga mikrobyo, walang
bahay ng buhay ang hamak at dapat hamakin maliban
sa bahay ng nabuhay sa krimen. . . . Ikaw, naaalala mo ba
ang iyong mga panaginip, little or big fellow, bago ka
nilamon ng kolehiyo at trabaho tungo lamang sa life of
contentment . . . sa buwanang suweldo, insurance, new
acquisitions, bagong titulo? Ito ang sermon ko sa bato.

So, kumusta, arkitekto? Nasiyahan ka ba sa bahay mo?
O masaya ka na ba sa magarbong inihanda mo nang
mosoleyo at nitso para sa pagkamatay mo at sa plano
mong orkestra na tutugtog sa lamay mo? Di ba mas
mabuti pang pagtuunan mo ng pansin ang buhay mo
kaysa sa mosoleyo ng kayamanan? . . . Ano ba naman
ang magmunimuni ka muna sa iyong engineering bago
kumilos nang kumilos, magdrowing nang magdrowing?

. . . Ito ang sermon ko sa pulpitong bato sa Lunes mo, di
‘to mula sa mala-palasyong Linggo, pinatayo ng Obispo.

Tuesday, January 25, 2011

Poem In January


Nag-iwan na naman ng Post-It ang kaluluwa ni
Frank O’Hara sa monitor ng PC ko, God rest his
soul, kaya kinaya ko sa aking kalasingan ang
magbasa ng sangkaterbang dyaryo, sansakong
libro tungkol sa kasalukuyan, kung totoo nga ang
kasalukuyan at hindi panaginip lang, o kung

panaginip man ay panaginip ni Magritte sa Enero
1936 na isyu ng New York Times (di bangungot
ng Marso 1912) na sabi’y “SHOW LISTS
WORKS OF SURREALIST ART; Paintings of
Rene Magritte Are Seen for First Time Here at
Julien Levy Gallery. OBJECTS IN ODD

RELATIONS Canvases Arid With Respect to
Esthetic Content -- Shock of Metaphor Is Seen.”
Sinagot ko si Frank O’Hara sa blog ko, sabi ko,
“Mr. O’Hara, sir, kung iyo pong mamarapatin,
nararapat ba talagang patayin ang Kasaysayan
at Literatura para sa karangalan ng indibidwal?”

Hinatak bigla ng hanging di ko maunawaan
itong kanang-kamay kong magaan, at banat
hanggang sa buto ang balat ng mga daliri ko,
mga daliring nagpumilit na magsaboy ng punla
ng mga sagot: “Eto ang sagot ko sa ‘yo, on
behalf of Frank who is presently shaving the

armpits of the Devil in Heaven, hahahahahaha.”
“Who are you? Magpakilala ka.” Huminto ang
lahat. Nag-brownout, kumulog, at dahan-dahang
pumatak ang ulan at tumugtog ang Piano
Concerto in G ni Maurice Ravel, si Marguerite
Long sa piano, sa ibabaw ng Enerong speech ni

Adolf Hitler sa Industry Club na tungkol (di sa
Enerong pagkamatay ni Alois kundi) sa parating
na Enerong Chancellorship niya tungo sa
inaasahang parating na Enerong Wannsee
conference para sa Final Solution. Kinabukasan,
nag-iwan na uli ng Post-It si Ginoong O’Hara.

“Haha,” sabi, “haranahin mo ang tenses, wasakin
ang tonsils ng mala-Hitler na pagpupunyagi.
Huwag mo lang akong isali riyan sa kalokohan
mo.” “Subalit, sir,” blog ko, “ang present tense
ay Tula, at ikaw ang nag-ukit nito sa epitaph ng
nitso mo hindi lang last All Souls’ Day, di ba?”

Hinangin ang Post-It, at palipad na pumalit ang
pahina ng classified ads na galit sa headlines at
natutuwa sa pribadong mga pangangailangan.
Hinawi ko ito at wumagayway ang screensaver:
waling-waling na walang kulay, nakatigil na mga
larawan ng limot nang monitors ng Kasaysayan.