Monday, November 22, 2010

Art Na May Taste Kuno


Katukin mo man nang katukin ang konting kontak mo
sa mga kritikong bulag sa kalamnan ng kinaiinisang
kalaboso, malamig pa rin ang himig nitong tula mong
musmos pa sa tumatanda nang sigaw ng mga siglo ko.

Ikaw si makatang makatao, sila si estetikong hari
ng style at smiles sa aisle ng Cultural Center niyo.
Ako, sino ba akong wasted na nagmamasid sa kultura
ninyong bumaon na sa lalamunang kumontak sa Taste?

Haste makes waste, ika nga, at late na ang lahat
para maayos pa ang puno ng duhat sa hardin ng rosas.
Hala, ipagpatuloy niyo yan at baka umulan, buwanan
pa naman kung kumita ng stipend sa binuwayang buwis.

Huwes daw akong inggit laang. Sabi ko naman, abugado
sila sa mga krimen ng nakasanayang kawalang-saysay
na sumasayaw sa entabladong di pinapanood ng tao
kundi ng mga matatalinong gago sipping wine sa likod

ng pinto na kung kakatukin mo, walang lilingon sayo.
Ganti lang siguro sa ating di sumipsip sa soprano.

Wednesday, November 17, 2010

Sa Pagpapakamatay ni Itay (o, Lupalop)


Ninakaw ng isang manlalakbay ang baka.
“Baka ikaw,” sabi niyo, “baka pati baboy ko
Dinala mo sa kung saang lupalop mo man
Dinala iyon.” Pinaratangan ng barangay,
Isang sakuna sa kapalaran ng aking Itay.

Malas. Walang masamang tinapay pero
Minalas. Buti na lang at tinanggap ni Itay
Ang tadhana? Binura lahat ng asa sa abugado,
Lahat ng gustong mangyari, sa naramdaman.

Ngunit naro
’n kami’t pinilit siyang umaksyon
Ayon sa nararapat na aksyon, ayon sa
Kinakailangang mosyon! Ayun: siya’y kumilos
At sumilong sa nakaambang na puting ambon.

Lingid sa kaalaman ng baboy na abugado,
Lingid sa damdamin ng tao, ang lupalop
Kung saan dinala ang pag-asa, kung saa’y
Walang masamang tinapay ang tadhana.
Ninakaw ng isang baka ang manlalakbay!

Hustisya, aksyon? Makaaasa ka sa ambon!

Tuesday, November 9, 2010

Requiem Para Kay Ophie (Dimalanta)---Makata, Kritiko ng Wika


Taong 1987 sa barko papuntang isla ng Bohol galing ng Dumaguete,
naghuhuntahan kami nina Ophie at ng mga writing fellows
ng Silliman University National Writers Workshop
tungkol sa isang verse at chapter sa Bibliya na di ko na matandaan.
Ibig kong sabihin, kahit anong teksto pag-iinitan ni ma'am
Ophie. Sabi nga nya, itong aming mga panelists na makata,
sina sir Krip, sir Cirilo, sir Cesar, ay tila mga knights na
ng bilog na mesa ni Mom Edith at Doc Ed (mommy ng workshop
at doctor of philosophy Ed, founders), dahil . . . bakit
nga ba sa Pilipinas lahat ng guro ay ina-address bilang sir
o ma'am, lahat ng lawyers Attorney, lahat ng engineer
Engineer? At lahat ng PhD "doctor." Kaya, Doc Ophie na rin.

Ikaw na nakakakilala kay Ophie, naaalala mo nung nakipaghuntahan
ka sa ating Ingleserang Ophie tungkol sa gamit ng mga pulis
ng salitang "salvage"? Kasi nga naman, bakit nga ba ang summary
execution gagawing salvage ganung itinapon mo na ang tao, unless
ang ibig mong sabihin ay i-sasalvage mo ang kaso after itapon
nung corrupt na piskal o huwes. At noong kayo'y naghuhuntahan
tungkol sa pidgin at bastardized English nating mga Pilipino,
may tumawag ba sa kanya sa telepono, at nang sagutin
nung sekretarya'y sabi: "for a while." Nagkatinginan ba kayo
ni Ma'am Ophie o Lady Ophie o Doc Ophie o Simply Ophie?
Nagtawanan ba kayo? Oo nga naman, bakit nga ba itong "hold on
a minute please" ay ginawang "for a while" gayung Inglesera na nga

itong boss mo, hija, nakakahiya ka. :D Anyway, wala na si Ophie,
o kung tawagin pa ng kanyang mga estudyante na tila kinatuwa pa
niya: Dima, short for Dimalanta. At alam niyo bang sa Pilipino
ang ibig sabihin ng "di malanta" ay plant that won't die? Pero
huwag na nating pakialaman yan, walang pakialamanan sa apelyido,
ha. After all, marami sa ating me Espanyol o bastardized Spanish
na apelyido kahit indio naman ang mukha. Tulad ko, na minsan pa
nga tila intsik ang bigote pag humahaba na. Bakit nga ba hindi
nanatili sa atin ang mga apelyido na tulad ng Dimasupil,
Dimaculangan, Puting Ulap, Berdeng Yero? Anyway, wala na
si Ophie, at---tulad ng katawan nating lahat---malalanta na rin.
Maliban sa mga alaala tungkol sa kanyang pagka-makata, -kritiko,

-Inglesera, -isnabera, -masayahin, -mabasahin, -masalamin, -tao,
-mabait, -magaling. Kaya heto kami sa 2010, sa paghinto ng edad
niya sa bilang na 78, sa solemnong espasyo ng chapel nitong
kanyang mahal na Unibersidad ng Santo Tomas. Kung makakausap
lang namin ang kaluluwa niya, magsasaya na siguro uli kami
na tila nasa nakalutang na barko tungkol sa "necrological service"
na ito para sa kanya. Marahil ay sasabihin ni Ophie, o Simply Ophie,
"para naman kayong---hindi mga knights kundi---
mga privates sa Saving Private Ryan na in-assign ng kernel niyo
na gumawa ng necrology o listahan ng mga namatay bilang service
niyo sa armed force service." Bakit nga ba naman pati ang isang
makatang Inglesera ay hahayaan nating bigyan ng funeraria

at kapilya ng isang "necrological service"? Sabi pa nga ni
Butch, dakilang nobelista, tila tayo lang sa Pilipinas
ang gumagamit ng "fictionist." Pero okey lang daw iyon, dahil
hindi naman mali, parang nahihiya lang dahil karamiha'y short
story writers "lang." Anyway, balik tayo sa necrology. Binasa ko
hindi ang isang listahan ng mga patay kundi listahan ng "guests"
o bumisita o naghatid sa katawan ni Ophie o Simply Ophie
sa huling araw ng kanyang katawang presensya. Ngunit maiba ako:
kaninang umaga nabasa ko na naman ang clip tungkol sa kanya
sa dyaryo. Siya raw ay ang UST poet na si Ophelia Dimalanta.
Paalam, Ophie. Parochial na ang poetry ngayon. Una, dinissolve
ng UST ang pinaghirapan mong Creative Writing Center. Now,

mga makata'y paghahati-hatiin namin sa UST poets, UP poets,
La Salle Univ poets, Ateneo and so on & so forth. Paalam na, Poet.
Paalam na, poets. Puwet ng baso na lang kayo sa inuman ng bansa
na umaawit ng awit ng mga komedyante ng mga pakontest sa TV.
Pero, teka nga muna. Bakit ba mag-rerequiem? Ba't magrereklamo?
Ikaw itong nagbigay inspirasyon sa sangkaterbang estudyante
na di nag-nursing o nag-engineering o nag-medicine o nag-law
kundi nag-lit sa iyo, lit by the lightning of your stare
and star system, kahit alam naman natin na palubog na ang araw
ng mga makata sa paglago ng business district ng Makati. Kati
ng bulsa ang kinakamot ng lahat ng akademiko tungong mga kurso
ng skilled workers for the human resource GDP for Sirs, Ma'ams.

Sige, kami'y magpapaalam, ngunit asahan mong isasalvage namin
ang kaso, at makikita mo ang prutas ng turo mo. "For a while ha."

Friday, November 5, 2010

Tayong Nakararami


a. Lawang Walang Pangalan (at ang Dike)

Tikman nang malasahan ang sarap ng lawa sa guniguni.

May bukas nga. Heto ako’t gising na sa bagong umaga

Kaakibat ang walang-sawang kakayahang magpasarap

Sa mala-santong kawalang-nais: walang nakaeengganyo,

Walang nanghihimok at walang nakakawalang-respeto,

Lahat ng bagay sapat, at makakaya ko pang magpasarap

Palutang-lutang dito sa gitna ng lawang tapat na hindi na

Lumilingon sa pinanggalingang lupa, tanging hinihintay

Ay ang pagkagunaw ng payapang bangka. Huwag kang

Maiinggit sa akin, o mahiyang lumapit; maski ikaw man

Ay makatatanggap ng ganitong sarap sa mabagal mong

Paglapit. Sasabihin ko na sa iyo kung saan ko ito nakita:

Di ko inihambing ang linamnam ng gintong tuyo sa foie

Gras ni Chef Jamonitang masarap. Tanggap ko, kaharian

Ko’y wala sa mga araw, buwan o taon, kundi sa gapang

Ng walang-hanggang kasalukuyang di sinusukat ang asim

Ng mga bagay, kundi ang pagtanggap natin sa bawat isa

Sa mga ito, na titikman nang malasahan. Oo nga’t minsan

Ay may pait ng pagkakamali, ngunit ang mali ay di mali

Kung kinakailangang mailapat ang pait sa dilang mamaya

Ay dadampian ng tamis. Walang mapait o matamis man.

Kapwa’y elemento ng bangis ng recipe ng buhay. Kayo’y

Hihimukin ko sa sarap na narito mula pa kahapon. Ako’y

Kulong daw ng pagkakuntento, sabi niya, ngunit ang tao,

Pag kuntento, ay di maaaring makuntento. Konsepto ko’y

Walang pagtingin sa kakulangan o kasapatan. Konsepto

Ko ay walang pakialam sa mga konsepto, nararamdaman

Ko’y hinahayaan ko lamang na magasgas sa dingding ng

Nakasanayang sarap na di na masarap o mapait, tanging

Naiwa’y ang dingding na gasgas na iwan ng pakiramdam.


b. Nasaktang Planetang Walang Partido

Makabubuti sigurong sumakay na sa matuling kabayo

Kapag nasugatan na, ang parating na mga itim na ulap

Ay maaari pang takasan, maaari pa tayong maisalba,

Tayong nakararami, tayong maaaring magkapit-bisig.

Sa teknolohiya natin, mapapaslang ang lider ng Dilim.

Ngunit huwag umasang di na ito muling mabubuhay

Sa katauhan ng kanyang mga alipores; bawat alalay

Ay lider na buhay sa umiikot na mundo ng kaaway.

Huwag kang magrerelaks, Max, mata mo ay talasan,

Ang dilim ay may dalang aral: sa mundo, magkakaiba

Ang pananaw, may kanya-kanyang konsepto ng mabuti

At marangal, at sa pagkakaibang ito lipuna’y nahahati

Sa dalawang importanteng impormante ng mga talino.

Ang kaliwa, kanan, gitna o anuman ay mga intereses

Na kapag kinutya ay di magpapatawad, ang masaktan

Ay gaganti sakay ng kabayo hawak ang punyal ng ulap.


c. Ang Diyos ni Spinoza

Kung natural at di artipisyal, nararapat na kumilos

Sa natural na kilos ng mga tumatanaw sa batas

Ng Natura, sa talinong wagas ng Natura---kahit

Ito ma’y si Kuro-kuro, ito’y Pisiko, Matematiko.


d. O, Salbabida

Ako’y nakapako na sa aking mga panaginip,

Di bibitiwan hangga’t di naiidlip. Ito ay salbabida,

Ito ay alituntuning sinusunod ng aking kaharian.

Ito ang binabantayan ng mga tao ko, ang hari nila’y

May hari sa panaginip kong ito at sinusunod ko

Na parang utos, na parang unos ng kaligayahan.

Lalanguyin ng hari ang army ng kalaban, Salbabida.

Susubukang lunurin ng kurapsyon & kamatayan, Salbabida!