Nag-iwan na naman ng Post-It ang kaluluwa ni
Frank O’Hara sa monitor ng PC ko, God rest his
soul, kaya kinaya ko sa aking kalasingan ang
magbasa ng sangkaterbang dyaryo, sansakong
libro tungkol sa kasalukuyan, kung totoo nga ang
kasalukuyan at hindi panaginip lang, o kung
panaginip man ay panaginip ni Magritte sa Enero
1936 na isyu ng New York Times (di bangungot
ng Marso 1912) na sabi’y “SHOW LISTS
WORKS OF SURREALIST ART; Paintings of
Rene Magritte Are Seen for First Time Here at
Julien Levy Gallery. OBJECTS IN ODD
RELATIONS Canvases Arid With Respect to
Esthetic Content -- Shock of Metaphor Is Seen.”
Sinagot ko si Frank O’Hara sa blog ko, sabi ko,
“Mr. O’Hara, sir, kung iyo pong mamarapatin,
nararapat ba talagang patayin ang Kasaysayan
at Literatura para sa karangalan ng indibidwal?”
Hinatak bigla ng hanging di ko maunawaan
itong kanang-kamay kong magaan, at banat
hanggang sa buto ang balat ng mga daliri ko,
mga daliring nagpumilit na magsaboy ng punla
ng mga sagot: “Eto ang sagot ko sa ‘yo, on
behalf of Frank who is presently shaving the
armpits of the Devil in Heaven, hahahahahaha.”
“Who are you? Magpakilala ka.” Huminto ang
lahat. Nag-brownout, kumulog, at dahan-dahang
pumatak ang ulan at tumugtog ang Piano
Concerto in G ni Maurice Ravel, si Marguerite
Long sa piano, sa ibabaw ng Enerong speech ni
Adolf Hitler sa Industry Club na tungkol (di sa
Enerong pagkamatay ni Alois kundi) sa parating
na Enerong Chancellorship niya tungo sa
inaasahang parating na Enerong Wannsee
conference para sa Final Solution. Kinabukasan,
nag-iwan na uli ng Post-It si Ginoong O’Hara.
“Haha,” sabi, “haranahin mo ang tenses, wasakin
ang tonsils ng mala-Hitler na pagpupunyagi.
Huwag mo lang akong isali riyan sa kalokohan
mo.” “Subalit, sir,” blog ko, “ang present tense
ay Tula, at ikaw ang nag-ukit nito sa epitaph ng
nitso mo hindi lang last All Souls’ Day, di ba?”
Hinangin ang Post-It, at palipad na pumalit ang
pahina ng classified ads na galit sa headlines at
natutuwa sa pribadong mga pangangailangan.
Hinawi ko ito at wumagayway ang screensaver:
waling-waling na walang kulay, nakatigil na mga
larawan ng limot nang monitors ng Kasaysayan.
No comments:
Post a Comment