1. Heksagram 13, Para Sa Aking Ka-Tulaan
Nakipaghuntahan ka sa iyong kapwa
sa sala ng iyong tahanan, at wala
akong nakikitang kamalian. Tunay na
itong pakikisalamuha mo ay hindi
dahil sa isang biglang pagkapukaw mo
sa mga nakamamanghang sarap ng
pakikipag-kapitbahay. Oo, maaaring
ang papel mo rito ay hindi sinasadya,
ngunit ang aking masasabi, kumare,
manatili tayo rito at tuloy-tuloy na
makipagtalakayan, dahil sa kung sa
kapwa intelehensiya lang mananatili,
tayo ay magsisisi dahil bilang ang
kasama. Ito ang panahong kailangan
ang pagkakapitbisig nating mahaba at
malawak, hindi ba? Sabi mo pa nga, di
tayo snobs, ‘pare, hindi makitid sa
pananaw ng nakararami. Subalit, itago
muna natin ang mga patalim, at
magmasid muna sa tore ng ating mga
nalalaman; tunay na hindi pa nga
napapanahon itong ating pagbunyi ng
mga esoteriko, at heto at kahahakbang
lang patungo sa gitna ng lipunan, sa
kalipunan ng di naman makasariling
mamamayan. Ang ating pinunla sa
harding ito, tanging tiwala na di tayo
sasaksakin sa likod, hindi hahamakin
sa pagyakap natin sa mga bagay-bagay
na di natin noon lubos na maunawaan.
2. Heksagram 29, Para Sa Aking Kapwa
The floodwaters of the English river will
soon break the levees
of the Tagalog purists, my friend; do you
think we should do something to weaken it?
Pero teka lang, kaibigans, this burgeoning
Englog is by itself an Order unto itself,
needing no Orderlies to whitewash its ways,
tama ba? Why even bother to keep Tagalog
pure, putsa, to satisfy some nationalist
illusions, when we ourselves belong to them
Englog malls where the price of the same
organic bread is hiked to suit protectionist
pretensions? Calling Anthony Bourdain & all
those peasant-food sympathies of his at nang
mapakain nating lahat ng mga ka-mall nila
sa kamayang totoo, Creole cuisine-like talk
for all this creolization of language from all
the classes.
I say, ‘pare,
huwag na nating problemahin ang mga problema
nila. Take comfort in the fact that Tagalog’s
waning purism has no less of a frustrated Order
than the ongoing mess inside English’s own.
3. Heksagram 27, Para Sa Kapwa Ko Wage Slaves
First of all, huwag kang maiinggit sa mga may
kari-kariton na yaman.
Pangalawa, may simpleng yaman kang makakamit
sa araw-araw.
Pangatlo, may mga gawain ka pang lingid na sa
‘yong bulag na paghahangad ng yaman.
Pang-apat, heto’t ika’y pinagpalang nagnanais
at may mithiin pang yaman!
Now, having said all that, walang kamalian. . . .
Lalo’t tanaw mo ang iyong pagkainggit, tanging
diskuntentong pagkapagod, mga
mali sa buhay, at ang walang humpay na
pananaginip ng buo mong tulog na
pagkatao na maya-maya lang ay . . . magigising?
4. Heksagram 12, Para Sa Manlalakbay at Mambabasa
Sa ating multicultural world, . . .
ang wikang hinati-hati ng mga
watchmen sa ating boundaries, ng
kasamang prejudices at comedies.
Matuwid man ang gawin mo,
makasisiguro kang mayroong
magmamasama sa lahat ng utopia
ng iyong grupo. Reader, manatili
ka sa walang saysay na tulay at
matatanaw mo ang kapayapaan ng
Pragmatismo. Kailan ba kailangan
ang mga bagay na kinailangan,
ang mga bakod at bakuran na di
madadalaw sa paglalakbay ng
iyong katawan o pang-unawa?
5. Heksagram 6o, Para Sa Mga Tulad Kong Mahilig Manggaya
Teka nga muna, teka.
Teka, teka, teka. Teka lang,
teka! Ano ba talaga
ang balak mong makita?
Tulad mo, ako’y sarap na sarap
sa panggagaya, pagpalakpak
sa banyaga man o Bisaya,
sa galing ng itinuring.
Subalit di ba mas sapak ang
ipasak mo ang lahat . . . sa
pagkatao mong wasak, upang
makita mong iyo na lahat?
Pumalakpak ka at gumaya.
Gamitin ang magagamit at
ang di swak ay iwaglit.
Manggagaya? Teka lang, teka.
No comments:
Post a Comment