1. Tula ng Misantropo
Anong “tula, tula, mahal kong Tula!” ang
pinagsasasabi mo? Di ba’t doon ka rin pupunta,
sa dambana ng kumikinang na simbahan,
mabangong restoran, matamis na urban park,
maluwag na karaoke booth, mahalay na
furniture shop, marupok na Cinema, taimtim na
department store, matuwid na zoo, magalang na
city hall, matalinong art gallery, bobong roller
rink, matunog na duckpin bowling alley, bulag
na alcohol-free bar, mala-langit na resort, mala-
impiyernong Jacuzzi, walang-panghihinayang
na rides at arcade games, inspiring na gadget
shops, perspiring na pizzerias, pare-parehong cd
music, patay-sinding Christmas trees, atbp.,
isang linggo bago tayo maghiwalay sa Pasko?
Hindi sa terrazzo walk of fame ng sarili mong
barung-barong ka maglalakwatsa, ikaw at ng
iyong thirteenth-month pay, . . . di ba? Sigurado
ako, doon sa coffee house mo dadalhin ang
iyong mga libro ng tula, at doon babasahin ang
mga linyang sumasayaw lang sa harap ng
magagandang taong may mga tula rin sa labi na,
kung susuriin, wala sila rito, ang tanging mga
narito ay mga mamamayang may mga holiday
hot tsismis lang naman tungkol sa kanilang mga
minahal sa nagdaang taon, na, tamang-tama,
iyan ang s’yang napaksiw nang paksa ng tula
kong ito na naghihintay sa ‘yong opinyon dito
sa pinag-ipunan kong cold front ng iyong
paboritong terrazzo floor, dito sa malungkot
mong favorite Starbucks store. Teka, bakit pa ba
magkikita? Mga pangngalan ang iyong
bukambibig, mga pang-uri nasa aking mata.
2. Ang Vlogger at ang Kaniyang Ninong
Pasko, Pasko, Pasko. Pasko na namang muli at muli
kitang nakitang naglalaba ng costume mong Sta. Claus
para sa santong Biyernes ng gabi, noong 2009 Dis.
Muli na naman kitang naamoy, na para bang kasama
ka sa mga baboy at manok ng iyong adobada, ng iyong
menudo, ng ‘yong arroz caldo, at ng iyong piniritong
polvoron “for the poor,” sabi mo. Sino ba ako? Ako
po ito, Ninong, mano po, Ninong, kumusta po kayo?
Kumusta po ang cancer ninyo, balita ko may sampung
taon pa kayo bago mapanalunan niyo at last iyang lotto
sa Langit na balita ko, ayon kay Monsignor B. Nucboc,
ay nakalaan sa ‘yo at sa mga tulad mong pinagpalang
Santa Claus ng munisipyo. Puwede po bang makisakay,
Ninong, at nang ma-video ko ang tour niyo sa Putikan
Street ng mga squatter ng barangay at ang paghahanap
niyo ng ninakaw na kampana ng kapilya? Puwede? Ang
totoo niyan, Ninong, kaming mga nabubuhay na patay,
isang taon naming hinintay itong pagsapit ng Pasko,
di tulad mo, sampung taon pa bago matulad ka namin.
“Haha,” sabi mo, “sa’n mo ba nanakaw iyang camcorder
mo? Aminin.” Sa iyo po ito, bigay niyo! Kaya pangako
ko sa ‘yo, mula ngayo’y irereport ko ang kadakilaan
ninyo, despite sa sikat nang katamaran ko. Tugon niyo,
“‘di tamad ang mahihirap na tulad mo, hijo, namulat
lang na walang kapital, di tulad ko, may namanang
talento at titulo, at tipikal na pulitiko!” Akala ko po ay
negosyante kayo. “Amen. Sponsored ng meyor dito.”
Nang siya’y mamatay, ako ang naging bagong Ninong
ng baryo, bagong mabait na Ninong ng lahat ng tao rito.
No comments:
Post a Comment