Tuesday, April 12, 2011

Dalawang Tula



1. Himig ng Commuters sa Umagang Lunes

—bilang lyric-song tribute ko sa dating naririnig sa mga jeepney 
na mga awitin ng
        Juan de la Cruz Band tuwing umaga


Halina, mga ‘pare ko’t ‘mare, sa rush hour ng
bagong umaga’t simulan na ang Lunes ng rice
and fish ‘n’ chicken hunting week nating ito!
Bagamat lumang gawi, na di mapawi-pawi ng
madulas na lotto, at kahit hindi madali at sa
katunaya’y sing-hirap ng mahirap na kirot sa
marrow ng inyong mga buto, sasabihin ko pa
ring halina today, halina for tomorrow, sa
siglong wala pa tayong magagawa kundi ang
sumabak nang sumabak sa balong malalim na
‘to—sa rush hour ng nag-oopisina, ng paring
wala nang misa, ng magbobote’t magbabakal,
ng pulis, ng kriminal, ng Presidente, ng mga
walang pulitika’t lubog lang sa kanilang arte,
ng madaldal na contrarianist, ng nagtatagong
communist, ng stockbroker, ng economist, ng
chemist, ng mga nars na nag-night shift, ng
duktor na magkiklinik, ng naghihintay na

promotor, ng pagod nang janitor, ng naghahanap
ng mapapangasawa, ng naghahabol ng kerida,
ng tao, ng hayop, ng insekto sa mga bus, ng mga
dyaryong di naubos, ng taho at puto, ng kapeng
di barako . . . Lakad na, iwan na natin ang
barangay sa kanyang mga housewives at house-
husbands, mga palengkera’t tsismoso, mga
drayber ng traysikel at mga tulog pang basag-
ulero, mga ngumunguya pa ng pan de sal, mga
walang almusal, mga retirado, mga pensyonado,
mga naghihintay ng pagbukas ng bangkong me
padala ng kapamilyang OFW, at mga walang
trabaho, at mga nag-iinuman nang nawalan ng
trabaho. Lunes, Lunes! Tapos na ang Linggo ng
mga kristo, ng ating Kristo. Bilis, bilis! Mahuhuli
ka sa bundy clock ng late magpasahod mong amo.

Give us this day our daily bread, O Lords, O
Plutocrats. Give us this day our inheritance, O
Luck, O capital lottery pot! Nawa’y ang economic
planning na pinag-uusapan sa radyo ay gisingin
tayo pagdating ng carpool ng commune sa istasyon
ng inutang na Manila Metro. O, halina, mga ‘pare’t
‘mare ko, dito tayo magkombo, sa rush hour ng
milyong gumagapang sa bagong umagang ‘to
patungo sa gubat ng business districts kung saan
naroon ang hunting ground ng daily rice ‘n’ fish ‘n’
chicken ng working class mula probinsiya at mga
projects na tulad natin. Ito ang ating balong malalim.

Araw-araw, beep beep beep beep, hanggang Biyernes,
ito ang himig nating aawitin. Limang araw nating aawitin.


2. Linggo

Ito ang sermon ko sa pulpitong bato sa Lunes na totoo,
labas ng “cosmic entertainment” ng Katolikong Linggo,
says Frank O’Hara, at sisimulan ko ang lahat nang ganito:

Ang buhay, ayon kay Longfellow, ay pinapanday ng
arkitektong nakatago sa kaluluwa mo. Gisingin mo ito, at
idisenyo ang panaginip mong bahay-kanlungan ng sarili
mong pagkakuntento. Maaaring ito’y sinlaki ng Gobyerno,
o sing-lawak ng kaalaman mo sa mga mikrobyo, walang
bahay ng buhay ang hamak at dapat hamakin maliban
sa bahay ng nabuhay sa krimen. . . . Ikaw, naaalala mo ba
ang iyong mga panaginip, little or big fellow, bago ka
nilamon ng kolehiyo at trabaho tungo lamang sa life of
contentment . . . sa buwanang suweldo, insurance, new
acquisitions, bagong titulo? Ito ang sermon ko sa bato.

So, kumusta, arkitekto? Nasiyahan ka ba sa bahay mo?
O masaya ka na ba sa magarbong inihanda mo nang
mosoleyo at nitso para sa pagkamatay mo at sa plano
mong orkestra na tutugtog sa lamay mo? Di ba mas
mabuti pang pagtuunan mo ng pansin ang buhay mo
kaysa sa mosoleyo ng kayamanan? . . . Ano ba naman
ang magmunimuni ka muna sa iyong engineering bago
kumilos nang kumilos, magdrowing nang magdrowing?

. . . Ito ang sermon ko sa pulpitong bato sa Lunes mo, di
‘to mula sa mala-palasyong Linggo, pinatayo ng Obispo.

No comments:

Post a Comment