Monday, November 22, 2010

Cultural Center Ninyo


Katukin mo man nang katukin ang konting kontak mo
sa mga kritikong bulag pa rin sa laman ng kinaiinisang
kalaboso, malamig pa rin ang magiging himig ng tula
mong musmos pa sa tumatanda nang sigaw nitong siglo.

Ikaw si makatang makatao, sila si estetikong hari ng . . .
ng style at smiles sa aisles nitong cultural center ninyo.
Ako, sino ba akong wasted na nagmamasid sa kultura
nila na bumaon na sa lalamunang kumukokak sa Taste?

Haste makes waste, ika nga, at late na ang lahat para
maayos pa ang puno ng duhat sa hardin ng rosas. Hala,
ipagpatuloy nila yan, baka sakaling umulan, buwanan
pa naman kung kumita ng stipend sa binuwayang buwis.

Huwes daw akong inggit laang. Sabi ko naman, abugado
sila sa mga krimen ng nakasanayang kawalang-saysay
na sumasayaw sa entabladong di pinapanood ng tao
kundi ng mga matatalinong gago sipping wine sa likod

ng pinto na kung kakatukin mo, walang lilingon sa ‘yo.
Ganti lang siguro ‘to sa ‘ting mga di sisipsip sa soprano.

Wednesday, November 17, 2010

Saan Ka Pupunta?


Báka. Ninakaw ng isang manlalakbay.
“Baka ikaw,” sabi niyo, “baka pati isang
Baboy ko dinala mo, kung saang lupalop
Mo man dinala.” Barangay nagparatang,
Isang sakuna sa kapalaran ng aking Itay.
Malas. Walang masamang tinapay pero
Minalas, buti na lang at tinanggap ni Itay
Ang tadhana, binura lahat, asa sa abugado,
Lahat ng gustong mangyari, sa damdamin.
Ngunit heto kami’t pinilit siyang umaksyon
Ayon sa nararapat na aksyon, at ayon din sa
Kinakailangang aksyon. Yun. Siya’y kumilos
At sumilong sa nakaambang na puting ambon,
Lingid sa kaalaman ng baboy niyang abugado,
Lingid sa damdamin ng mga tao, maliban dito
Sa lupalop kung saan dinala niya ang pag-asa.

Walang masamang tinapay ang ating tadhana.
Oi, ninakaw ng isang baka ang manlalakbay!
Hustisya! Aksyon! Makaaasa ka sa ambon!

Tuesday, November 9, 2010

Requiem Para Kay Ophie (Dimalanta)—Makata, Kritiko ng Wika


Taong 1987 sa barko papuntang isla ng Bohol galing ng
     Dumaguete,
naghuhuntahan kami nina Ophie at ng mga writing fellows
ng Silliman University National Writers Workshop
tungkol sa isang verse at chapter sa Bibliya na di ko na
     matandaan.
Ibig kong sabihin, kahit anong teksto pag-iinitan ni ma’am
Ophie. Sabi nga niya, itong aming mga panelists na makata,
sina sir Krip, sir Cirilo, sir Cesar, ay tila mga knights na
ng bilog na mesa ni Mom Edith at Doc Ed (mommy ng
     workshop
at doctor of philosophy Ed, founders), dahil . . . bakit
nga ba sa Pilipinas lahat ng guro ay ina-address bilang sir
o ma’am, lahat ng lawyers Attorney, lahat ng engineer
Engineer? At lahat ng PhD “Doctor.” Kaya, Doc Ophie na rin.

Ikaw na nakakikilala kay Ophie, naaalala mo nung
     nakipaghuntahan
ka sa ating Ingleserang Ophie tungkol sa gamit ng mga pulis
ng salitang “salvage”? Kasi nga naman, bakit nga ba ang
     summary
execution gagawing salvage ganung itinapon mo na ang tao,
     unless
ang ibig mong sabihin ay i-sasalvage mo ang kaso after itapon
nung corrupt na piskal o huwes. At noong kayo’y
     naghuhuntahan
tungkol sa pidgin at bastardized English nating mga Pilipino,
may tumawag ba sa kanya sa telepono, at nang sagutin
nung sekretarya, sabi’y “for a while”? Nagkatinginan ba kayo
ni Ma’am Ophie o Lady Ophie o Doc Ophie o Simply Ophie?
Nagtawanan ba kayo? Oo nga naman, bakit nga ba itong “hold
     On
a minute, please” ay ginawang “for a while” gayung Inglesera
     na nga

itong boss mo, hija, nakakahiya ka. :D Anyway, wala na si
     Ophie,
o kung tawagin pa ng kanyang mga estudyante na tila
     kinatuwa pa
niya: Dima, short for Dimalanta. At alam niyo ba’ng sa
     Pilipino
ang ibig sabihin ng “di malanta” ay plant that won’t die? Pero
huwag na nating pakialaman yan, walang pakialamanan sa
     apelyido,
ha. After all, marami sa atin ang me Espanyol o bastardized
     Spanish
na apelyido, kahit indio naman ang mukha. Tulad ko, na
     minsan pa
nga tila intsik ang bigote pag humahaba na. Bakit nga ba hindi
nanatili sa ating lahat ang mga apelyido na tulad ng
     Dimasupil,
Dimaculangan, Puting Ulap, Berdeng Yero? Anyway, wala na
si Ophie, at—tulad ng katawan nating lahat—malalanta na rin.
Maliban sa mga alaala tungkol sa kanyang pagka-makata,
     -kritiko,

-Inglesera, -isnabera, -masayahin, -mabasahin, -masalamin,
     -tao,
-mabait, -magaling. Kaya heto kami sa 2010, sa paghinto ng
     edad
niya sa bilang na 78, sa solemnong espasyo ng chapel nitong
kanyang mahal na Unibersidad ng Santo Tomas. Kung
     makakausap
lang namin ang kaluluwa niya, magsasaya na siguro uli kami,
na tila nasa nakalutang na barko, tungkol sa “necrological
     service”
na ito para sa kanya. Marahil ay sasabihin ni Ophie, o Simply
     Ophie,
“para naman kayong—hindi mga sir knights kundi—
mga privates sa Saving Private Ryan na in-assign ng kernel
     niyo
na gumawa ng necrology o listahan ng mga namatay bilang
     service
niyo sa armed force service.” Bakit nga ba naman pati ang
     isang
makatang Inglesera ay hahayaan nating bigyan ng funeraria

at kapilya ng isang “necrological service”? Sabi pa nga ni
Butch, dakilang nobelista, tila tayo lang sa Pilipinas
ang gumagamit ng “fictionist.” Pero okey lang daw iyon, dahil
hindi naman mali, parang nahihiya lang dahil karamiha’y
     short
story writers “lang.” Anyway, balik tayo sa necrology. Binasa
     ko
hindi ang isang listahan ng mga patay kundi listahan ng
     “guests”
o bumisita o naghatid sa katawan ni Ophie o Simply Ophie
sa huling araw ng kanyang katawang presensya. Ngunit maiba
     ako:
kaninang umaga nabasa ko na naman ang clip tungkol sa
     kanya
sa dyaryo. Siya raw ay ang UST poet na si Ophelia Dimalanta.
Paalam, Ophie. Parochial na ang poetry ngayon. Una,
     dinissolve
ng UST ang pinaghirapan mong Creative Writing Center.
     Now,

mga makata’y paghahati-hatiin namin into UST poets, UP
     poets,
La Salle Univ. poets, Ateneo, and so on & so forth. Paalam
     na, Poet.
Paalam na, poets. Puwet ng baso na lang kayo sa inuman ng
     bansa
na umaawit ng awit ng mga komedyante sa mga pakontest sa
     TV.
Pero, teka nga muna. Bakit ba mag-rerequiem? Ba’t
     magrereklamo?
Ikaw itong nagbigay inspirasyon sa sangkaterbang estudyante
na di nag-nursing o nag-engineering o nag-medicine o nag-
     law
kundi nag-litt sa iyo, lit by the lightning of your stare
and star system, kahit alam naman natin na palubog na ang
     araw
ng mga makata sa paglago ng business district ng Makati. Kati
ng bulsa ang kinakamot ng lahat ng akademiko tungong mga
     kurso
ng skilled workers for the human resource GDP looking for
     Sirs, Ma'ams.

Sige, kami’y magpapaalam, ngunit asahan mong isasalvage
     namin
ang kaso, at makikita mo ang prutas ng turo mo. “For a while
     ha.”

Friday, November 5, 2010

Tayong Nakararami


a. Dahil Alam Kong Walang Sayàng Magtatagal

Tikman nang malasahan ang sarap ng lawa sa guniguni.
May bukas nga. Heto ako’t gising na sa bagong umaga,
Kaakibat ang walang-sawang kakayahang magpasarap
Sa mala-santong kawalang-nais: walang nakaeengganyo,

Walang nanghihimok at walang nakakawalang-respeto,
Lahat ng bagay sapat, at makakaya ko pang magpasasa
Palutang-lutang dito sa gitna ng lawang tapat na hindi na
Lumilingon sa pinanggalingang lupa, tanging hinihintay

Ay ang pagkagunaw ng payapang bangka. Huwag kang
Maiinggit sa akin, o mahiyang lumapit; maski ikaw man
Ay makatatanggap ng ganitong alwan sa mabagal mong
Pagdais. Sasabihin ko na sa iyo kung saan ko ito nakita:

Di ko inihahambing ang linamnam ng gintong tuyo sa foie
Gras ni Chef Jamonita ng Tsalap’s. Tanggap ko, kaharian
Ko’y wala sa mga araw, buwan o taon, kundi sa paggapang
Ng walang-hanggang kasalukuyan na di sinusukat ang asim

Ng mga bagay, kundi ang pagyakap ko sa bawat isa sa mga
Ito, na tinitikman upang malasahan ang alat ng lipunan. Oo
Nga’t minsan ay may pait ng pagkakamali, ngunit ang mali
Ay di mali kung kinakailangang mailapat yang pait sa dila

Na mamaya ay dadapuan ng tamis. Walang kakila-kilabot
Ang lasa o lasang-kendi. Parehong elemento sila ng bangis
Ng recipe ng buhay. Hihikayatin ko kayo sa kalinamnaman
Na narito mula pa kahapon. Kulong ako ng pagkakuntento,

Sabi mo, ngunit ang tao, pag kuntento ngang tunay, ay hindi
Maaaring hindi maumay. Konsepto ko ay walang masyadong
Pagtingin sa kakulangan o kasapatan, walang pakialam sa mga
Konsepto. Ang mga nararamdaman ko ay hinahayaan ko lang

Na magasgas sa arawang dingding ng nadadaanan kong mga
Higanteng gusali o barko, mga nakasanayang ginhawa ay di
Na masaya o malupit, tanging naiiwa’y ang mga dingding na
Gasgas na may iwang bakas ng aking kawalang-pakiramdam.



b. May Nasaktang Planetang Walang Partido

Makabubuti sigurong sumakay na sa matuling kabayo
Kapag nasugatan na, ang mga parating na itim na ulap
Ay maaari pang takasan, maaari pang maisalba natin
Ang ating mga sarili, tayong nakararami, tayong mga

Maaaring magkapit-bisig. Ngunit sa teknolohiya nga
Ba natin, mapapaslang pa ang lider ng Dilim? Huwag
Aasa na di ito muling mabubuhay sa bagong katauhan
Ng kanyang alipores; bawat alalay niya ay lider din,

Buhay sa umiikot na hangin ng kaaway. Huwag kang
Magrerelaks, Max, mata mo ay talasan, ang dilim ay
May dalang aral: sa mundo, magkakaiba ang timpla,
May kanya-kanyang konsepto ng mapayapa’t giyera,

At sa pagkakaibang ito ang klima’y hati sa dalawang
Importanteng impormante ng talino. Itong sa kaliwa,
Kanan, gitna o anuman ay mga hagibis lamang, pag
Kinutya ang planeta di magpapatawad, ang nasaktan

Mo’y gaganti nang walang kabayo, hawak ang ulap.




c. Ang Diyos ni Spinoza

Kung natural at di artipisyal, nararapat na kumilos
Sa naturang kilos ng mga natatanaw na batas
Ng kalikasan, sa talinong wagas ng Natura—kahit
Ito ma’y si Kuro-kuro, ito’y Pisika, Matematika.




d. Ang Tula

Ako’y nakapako na sa aking mga panaginip,
Di bibitiwan hangga’t di naiidlip. Ito ay salbabida,
Ito ay alituntuning sinusunod ng aking Kaharian.

Ito ang binabantayan ng mga tao ko, ang hari nila’y
May Hari sa guniguni kong ito at sinusunod na
Parang utos, na parang unos ng Kaligayahan.

O Salbabida, lalanguyin ng hari ang army ng kalaban.
Salbabida, susubukang lunurin ng Kurapsyon at Kamatayan!