Wednesday, October 6, 2010

Mga Talunan


1. Soneto ng Isang Ignoranteng Bangus sa Laguna de Bay

Sa gitna nitong mga kidlat, kulog,
Alam kong ako’y mangangatog,
Mangangatal, mabubuwal, ako’y
Mapapahiya, hihiyain, kukutyain,
Pagtatawanan, ipagtatabuyan,
At ako itong di alam ang gagawin
Sa pagsapit ng maulang dilim
Sa labas ng hawlang maliwanag—
Sa loob sila’y magpapaliwanagan.

Wala akong nakikitang idudulot
Ng anumang gagawing Aksyon,
Kaya sa nakaakmang mga sakuna
Ako’y lalayo, tatabi, gagapang,
At lilihis ng landas sa inyo rito—
Sasama ako sa bagong prosisyon.


2. Mabuti Pa Nag-Swimming Na Lang Kaysa Nag-Sining

Sige, batikusin mo ako sa batik-batik
Na dampi ng brushstrokes ko sa canvas,
Sa aking paghahangad ng malangis na
Kinis at dulas, ay pinagsisisihan ko
Ang landas na pinili ko—bakit narito?

Nagtatawanan na ang publiko, kritiko
Silang asar na asar sa aking mga mata,
Naghalakhakan sa aking pagkabuwal sa
Gitna ng pinto kong tanaw ang mundo,
Ang karagatang nilalanguyan ng tao.

Ako ba’y tutuloy, lalabas, tatayo lang,
O tatakbo, gayung alam kong walang
Sasaklolo sa lupang ito, wala ring ilaw
Sa dalampasigan, ni salamin man lang,
Di masid reaksyon ko sa panlalait mo.

Kailangan ko ang makinis at madulas
Na landas! Ako’y nanganganib sa’king
Tinatahak—tagumpay na minamadali.
Masyadong maaga o labis na nahuhuli.
Maselang kang hindi mapalagay sa akin,

Isang nerbyoso, adelantado, na-late ako
O biglang nawala, nagkukumahog sa
Paghahanap ng makapagpapahinto sa
Takbo ng aking naliligaw na kamay-
Sining. Pinagsisisihan ko ang landas na

Pinili ko—bakit narito sa publikong ‘to?


3. Ang Abogado at Ang Whistleblower

Sunod-sunod na balakid, sunog
Na ang kilay ko sa kasusulat nitong
Mga talatang ang tanging misyon
Ay ambisyon, at bagamat bisyon
Nito ang konsensya mo, paghimok
Sa iyo na huwag bibitiw, manatiling
Nakalitaw na kapwa ko buteteng
Nalason ng nakapapagod nilang
Solusyon, Konggreso ng Pilipino.

Mananatili kayang kapit-bisig
Itong magkasamang lumutang?
Buhay pang handang mamatay?


4. Join Them, Beat Them

May sungay ka man, suwayin
Ang sermon ng katapangan, at
Ang araw ay magiging maganda
Para sa pagdamo mo sa bakahan.

Hindi ka mamumula sa pula ng
Bandilang naaaninag sa gubat,
Di ka manghuhula kundi may
Simpleng ikikilos pauwi, uuwi.

Walang masasaktan, at sa gayun
Mabilis nating mararating itong
Hinahangad na hamburger para
Sa lahat sa iyong kainang maliit.

Minatamisan ng kiss ang mais
Na nais para sa bayan, at ikaw
Na nagsabi noong, “no!—baka
Wala nang pag-asa,” hah, bakà!

Mukhang tatalunin ang Big Mac
Ng murang halaga, halimbawa?


No comments:

Post a Comment