1. Ito Na ang Huling Bank Robbery ng Makabayang Makatang si Inggo
Ako’y narito na, alam mo ba, kumakaripas
Sa runway, ito ang aking inaasam na flight
Tungo sa iyong pagbigay-pansin. Ano ang
Masama ro’n? Oo, totoo ngang kasalukuyan
Kong pinagpilian ang dalawang ideyalismo,
Una, magsilbi lamang sa ‘yo bilang laman
Ng puso ko, ang pangalawa, sa nasa langit—
Hindi dawit ang mga santo kundi, higit do’n,
Ang pangit na asal ng di pakikialam, busal ng
Pagkawalang-ideyolohiya, tanging sunbather
Lamang sa beach ng D-Day ko. Yawa, inday,
Ngayon mo ako pinapipili na magagampanan
Ko na ang parehong direksyon? May kapital,
Ako na ang kapitan, kapus-palad ako noong
Nakipagkontsabahan sa mga salamangkero.
Ako’y narito na, alam mo ba, nakakalas na
Mula sa aking hangar, palipad, at hindi para
Ma-hanger muli kundi maamoy ang simoy:
Mga sagot mong “oo, sige, oo.” Pipiliin ko,
Pipilitin ko, ang makabubuti lamang sa iyo,
Although walang garantyang mabibitawan
Ko ang matagal ko nang inasintang pagtula,
Pagpabola, o pagbulalas ng mga likha; oo’t
Di ‘to makabibili ng trust fund, pero ba’t ba
Natin iisipin iyon, love? Mabubuhay na tayo
Sa dasal! Ilabas ang inasal ng bagong kasal!
2. Huwag Matakot Matapos Manalo sa Lotto
Di dapat maghari ang hangin ng tadhana
Sa layag ng kapilyuhan. Mangyari pa’y iliko
Ang Titanic na kasaganahan bago ang yelo
Ng pagparusa at pagbawi niya’y lantaran
Na maghayag ng kanyang gabi at lamig.
Dahil, firstly, alam mo ang kasaysayan.
Pangalawa, mulat ka’t ang tanging lumpo
Sa iyo: yamot mong bulsa. Ilabas ang balsa,
Itapon ang balisa mong pag-panic, alerto
Kang sumabay sa alon hindi dahil ayaw
Mo nang lumaban sa hangin, kundi alam
Na alam mo kung kailan ka bubuwelo muli
Tungo sa mga nakadungaw’t di na umaasa.
Ilabas ang balsa sa tamang oras. Waldas ka
Sa pagparaya, ngunit masdan ang tadhana.
First of all, alam mo itong mga parating—
Hindi pating o kalansing ng nawalang lotto
Mo kundi simpleng kumot na gugulat ‘pag
Nagising ka mula sa iyong mga panaginip
Dahil sa malamig na ihip. Di ka magpapanic.
No comments:
Post a Comment