Tuesday, May 3, 2011

Iilang Tao (o, Plutokrasya)


At tayo’y dumating, dala ang paniniwala sa malaya
at bukas na lipunan sa ating bayan. Samakatuwid,
yanig nung sabihin sa ating ang kataastaasang diwa
sa lupain natin ay ang pagsunod sa mga batas, hindi
ang diwa ng boses na kumukuwestyon sa kakulangan
o kabaliwan ng iilang batas. Kaya tayo’y nanatili,
na may hikbi sa dibdib na kabado sa armadong may
kautusang panatiliin ang kataastaasang katwiran
ng nangangatwirang mga batas, kahit pa nangangatal
na ang gutom-sa-hustisyang lipunang sabi niyo’y
para sa kanila ang batas. Kaya tayo’y nagpupumilit
sa paniniwalang ang pagsuway sa iilang maliliit
na batas ay ang tanging daan tungo sa paghubog ng
bagong malalaking hakbang, tungo sa kataastaasang
diwa ng tao, mula sa tao, at, oo, para sa tanang tao.

Tuesday, April 12, 2011

Dalawang Tula



1. Himig ng Commuters sa Umagang Lunes

—bilang lyric-song tribute ko sa dating naririnig sa mga jeepney 
na mga awitin ng
        Juan de la Cruz Band tuwing umaga


Halina, mga ‘pare ko’t ‘mare, sa rush hour ng
bagong umaga’t simulan na ang Lunes ng rice
and fish ‘n’ chicken hunting week nating ito!
Bagamat lumang gawi, na di mapawi-pawi ng
madulas na lotto, at kahit hindi madali at sa
katunaya’y sing-hirap ng mahirap na kirot sa
marrow ng inyong mga buto, sasabihin ko pa
ring halina today, halina for tomorrow, sa
siglong wala pa tayong magagawa kundi ang
sumabak nang sumabak sa balong malalim na
‘to—sa rush hour ng nag-oopisina, ng paring
wala nang misa, ng magbobote’t magbabakal,
ng pulis, ng kriminal, ng Presidente, ng mga
walang pulitika’t lubog lang sa kanilang arte,
ng madaldal na contrarianist, ng nagtatagong
communist, ng stockbroker, ng economist, ng
chemist, ng mga nars na nag-night shift, ng
duktor na magkiklinik, ng naghihintay na

promotor, ng pagod nang janitor, ng naghahanap
ng mapapangasawa, ng naghahabol ng kerida,
ng tao, ng hayop, ng insekto sa mga bus, ng mga
dyaryong di naubos, ng taho at puto, ng kapeng
di barako . . . Lakad na, iwan na natin ang
barangay sa kanyang mga housewives at house-
husbands, mga palengkera’t tsismoso, mga
drayber ng traysikel at mga tulog pang basag-
ulero, mga ngumunguya pa ng pan de sal, mga
walang almusal, mga retirado, mga pensyonado,
mga naghihintay ng pagbukas ng bangkong me
padala ng kapamilyang OFW, at mga walang
trabaho, at mga nag-iinuman nang nawalan ng
trabaho. Lunes, Lunes! Tapos na ang Linggo ng
mga kristo, ng ating Kristo. Bilis, bilis! Mahuhuli
ka sa bundy clock ng late magpasahod mong amo.

Give us this day our daily bread, O Lords, O
Plutocrats. Give us this day our inheritance, O
Luck, O capital lottery pot! Nawa’y ang economic
planning na pinag-uusapan sa radyo ay gisingin
tayo pagdating ng carpool ng commune sa istasyon
ng inutang na Manila Metro. O, halina, mga ‘pare’t
‘mare ko, dito tayo magkombo, sa rush hour ng
milyong gumagapang sa bagong umagang ‘to
patungo sa gubat ng business districts kung saan
naroon ang hunting ground ng daily rice ‘n’ fish ‘n’
chicken ng working class mula probinsiya at mga
projects na tulad natin. Ito ang ating balong malalim.

Araw-araw, beep beep beep beep, hanggang Biyernes,
ito ang himig nating aawitin. Limang araw nating aawitin.


2. Linggo

Ito ang sermon ko sa pulpitong bato sa Lunes na totoo,
labas ng “cosmic entertainment” ng Katolikong Linggo,
says Frank O’Hara, at sisimulan ko ang lahat nang ganito:

Ang buhay, ayon kay Longfellow, ay pinapanday ng
arkitektong nakatago sa kaluluwa mo. Gisingin mo ito, at
idisenyo ang panaginip mong bahay-kanlungan ng sarili
mong pagkakuntento. Maaaring ito’y sinlaki ng Gobyerno,
o sing-lawak ng kaalaman mo sa mga mikrobyo, walang
bahay ng buhay ang hamak at dapat hamakin maliban
sa bahay ng nabuhay sa krimen. . . . Ikaw, naaalala mo ba
ang iyong mga panaginip, little or big fellow, bago ka
nilamon ng kolehiyo at trabaho tungo lamang sa life of
contentment . . . sa buwanang suweldo, insurance, new
acquisitions, bagong titulo? Ito ang sermon ko sa bato.

So, kumusta, arkitekto? Nasiyahan ka ba sa bahay mo?
O masaya ka na ba sa magarbong inihanda mo nang
mosoleyo at nitso para sa pagkamatay mo at sa plano
mong orkestra na tutugtog sa lamay mo? Di ba mas
mabuti pang pagtuunan mo ng pansin ang buhay mo
kaysa sa mosoleyo ng kayamanan? . . . Ano ba naman
ang magmunimuni ka muna sa iyong engineering bago
kumilos nang kumilos, magdrowing nang magdrowing?

. . . Ito ang sermon ko sa pulpitong bato sa Lunes mo, di
‘to mula sa mala-palasyong Linggo, pinatayo ng Obispo.

Tuesday, January 25, 2011

Poem In January


Nag-iwan na naman ng Post-It ang kaluluwa ni
Frank O’Hara sa monitor ng PC ko, God rest his
soul, kaya kinaya ko sa aking kalasingan ang
magbasa ng sangkaterbang dyaryo, sansakong
libro tungkol sa kasalukuyan, kung totoo nga ang
kasalukuyan at hindi panaginip lang, o kung

panaginip man ay panaginip ni Magritte sa Enero
1936 na isyu ng New York Times (di bangungot
ng Marso 1912) na sabi’y “SHOW LISTS
WORKS OF SURREALIST ART; Paintings of
Rene Magritte Are Seen for First Time Here at
Julien Levy Gallery. OBJECTS IN ODD

RELATIONS Canvases Arid With Respect to
Esthetic Content -- Shock of Metaphor Is Seen.”
Sinagot ko si Frank O’Hara sa blog ko, sabi ko,
“Mr. O’Hara, sir, kung iyo pong mamarapatin,
nararapat ba talagang patayin ang Kasaysayan
at Literatura para sa karangalan ng indibidwal?”

Hinatak bigla ng hanging di ko maunawaan
itong kanang-kamay kong magaan, at banat
hanggang sa buto ang balat ng mga daliri ko,
mga daliring nagpumilit na magsaboy ng punla
ng mga sagot: “Eto ang sagot ko sa ‘yo, on
behalf of Frank who is presently shaving the

armpits of the Devil in Heaven, hahahahahaha.”
“Who are you? Magpakilala ka.” Huminto ang
lahat. Nag-brownout, kumulog, at dahan-dahang
pumatak ang ulan at tumugtog ang Piano
Concerto in G ni Maurice Ravel, si Marguerite
Long sa piano, sa ibabaw ng Enerong speech ni

Adolf Hitler sa Industry Club na tungkol (di sa
Enerong pagkamatay ni Alois kundi) sa parating
na Enerong Chancellorship niya tungo sa
inaasahang parating na Enerong Wannsee
conference para sa Final Solution. Kinabukasan,
nag-iwan na uli ng Post-It si Ginoong O’Hara.

“Haha,” sabi, “haranahin mo ang tenses, wasakin
ang tonsils ng mala-Hitler na pagpupunyagi.
Huwag mo lang akong isali riyan sa kalokohan
mo.” “Subalit, sir,” blog ko, “ang present tense
ay Tula, at ikaw ang nag-ukit nito sa epitaph ng
nitso mo hindi lang last All Souls’ Day, di ba?”

Hinangin ang Post-It, at palipad na pumalit ang
pahina ng classified ads na galit sa headlines at
natutuwa sa pribadong mga pangangailangan.
Hinawi ko ito at wumagayway ang screensaver:
waling-waling na walang kulay, nakatigil na mga
larawan ng limot nang monitors ng Kasaysayan.

Thursday, December 30, 2010

Limang Tulang Alay Ko Kay Rizal



1. Heksagram 13, Para Sa Aking Ka-Tulaan

Nakipaghuntahan ka sa iyong kapwa
sa sala ng iyong tahanan, at wala
akong nakikitang kamalian. Tunay na
itong pakikisalamuha mo ay hindi
dahil sa isang biglang pagkapukaw mo

sa mga nakamamanghang sarap ng
pakikipag-kapitbahay. Oo, maaaring
ang papel mo rito ay hindi sinasadya,
ngunit ang aking masasabi, kumare,
manatili tayo rito at tuloy-tuloy na

makipagtalakayan, dahil sa kung sa
kapwa intelehensiya lang mananatili,
tayo ay magsisisi dahil bilang ang
kasama. Ito ang panahong kailangan
ang pagkakapitbisig nating mahaba at

malawak, hindi ba? Sabi mo pa nga, di
tayo snobs, ‘pare, hindi makitid sa
pananaw ng nakararami. Subalit, itago
muna natin ang mga patalim, at
magmasid muna sa tore ng ating mga

nalalaman; tunay na hindi pa nga
napapanahon itong ating pagbunyi ng
mga esoteriko, at heto at kahahakbang
lang patungo sa gitna ng lipunan, sa
kalipunan ng di naman makasariling

mamamayan. Ang ating pinunla sa
harding ito, tanging tiwala na di tayo
sasaksakin sa likod, hindi hahamakin
sa pagyakap natin sa mga bagay-bagay
na di natin noon lubos na maunawaan.


2. Heksagram 29, Para Sa Aking Kapwa

The floodwaters of the English river will
       soon break the levees
of the Tagalog purists, my friend; do you
think we should do something to weaken it?
Pero teka lang, kaibigans, this burgeoning
Englog is by itself an Order unto itself,
needing no Orderlies to whitewash its ways,
tama ba? Why even bother to keep Tagalog
pure, putsa, to satisfy some nationalist
illusions, when we ourselves belong to them
Englog malls where the price of the same
organic bread is hiked to suit protectionist
pretensions? Calling Anthony Bourdain & all
those peasant-food sympathies of his at nang
mapakain nating lahat ng mga ka-mall nila
sa kamayang totoo, Creole cuisine-like talk
for all this creolization of language from all
the classes.
                       I say, ‘pare,
huwag na nating problemahin ang mga problema
nila. Take comfort in the fact that Tagalog’s
waning purism has no less of a frustrated Order
than the ongoing mess inside English’s own.


3. Heksagram 27, Para Sa Kapwa Ko Wage Slaves

First of all, huwag kang maiinggit sa mga may
     kari-kariton na yaman.
Pangalawa, may simpleng yaman kang makakamit
     sa araw-araw.
Pangatlo, may mga gawain ka pang lingid na sa
     ‘yong bulag na paghahangad ng yaman.
Pang-apat, heto’t ika’y pinagpalang nagnanais
     at may mithiin pang yaman!
Now, having said all that, walang kamalian. . . .

Lalo’t tanaw mo ang iyong pagkainggit, tanging
     diskuntentong pagkapagod, mga
mali sa buhay, at ang walang humpay na
     pananaginip ng buo mong tulog na
pagkatao na maya-maya lang ay . . . magigising?


4. Heksagram 12, Para Sa Manlalakbay at Mambabasa

Sa ating multicultural world, . . .
ang wikang hinati-hati ng mga
watchmen sa ating boundaries, ng
kasamang prejudices at comedies.
Matuwid man ang gawin mo,
makasisiguro kang mayroong
magmamasama sa lahat ng utopia

ng iyong grupo. Reader, manatili
ka sa walang saysay na tulay at
matatanaw mo ang kapayapaan ng
Pragmatismo. Kailan ba kailangan
ang mga bagay na kinailangan,
ang mga bakod at bakuran na di
madadalaw sa paglalakbay ng

iyong katawan o pang-unawa?


5. Heksagram 6o, Para Sa Mga Tulad Kong Mahilig Manggaya

Teka nga muna, teka.
Teka, teka, teka. Teka lang,
teka! Ano ba talaga
ang balak mong makita?

Tulad mo, ako’y sarap na sarap
sa panggagaya, pagpalakpak
sa banyaga man o Bisaya,
sa galing ng itinuring.

Subalit di ba mas sapak ang
ipasak mo ang lahat . . . sa
pagkatao mong wasak, upang
makita mong iyo na lahat?

Pumalakpak ka at gumaya.
Gamitin ang magagamit at
ang di swak ay iwaglit.
Manggagaya? Teka lang, teka.