Showing posts with label 03 Third Cup Na 'To (bilingual poetry 2010). Show all posts
Showing posts with label 03 Third Cup Na 'To (bilingual poetry 2010). Show all posts

Thursday, August 18, 2011

X → Y


Eczematous existences excite
none, much less the egregiously
glamorous in thought & spirit,
the excrement to our ideology
now extremely laughing at the
ideas of extremal epimorphism.

May dudulog at mangangako
ng karangyaan mula sa galit,
pagkainggit, pait ng salita,
piitan ng kaluluwa. Ideya ito
ng araw-araw na pangangati sa
lansangang may patay na buhay.

Tuesday, May 3, 2011

Iilang Tao (o, Plutokrasya)


At tayo’y dumating, dala ang paniniwala sa malaya
at bukas na lipunan sa ating bayan. Samakatuwid,
yanig nung sabihin sa ating ang kataastaasang diwa
sa lupain natin ay ang pagsunod sa mga batas, hindi
ang diwa ng boses na kumukuwestyon sa kakulangan
o kabaliwan ng iilang batas. Kaya tayo’y nanatili,
na may hikbi sa dibdib na kabado sa armadong may
kautusang panatiliin ang kataastaasang katwiran
ng nangangatwirang mga batas, kahit pa nangangatal
na ang gutom-sa-hustisyang lipunang sabi niyo’y
para sa kanila ang batas. Kaya tayo’y nagpupumilit
sa paniniwalang ang pagsuway sa iilang maliliit
na batas ay ang tanging daan tungo sa paghubog ng
bagong malalaking hakbang, tungo sa kataastaasang
diwa ng tao, mula sa tao, at, oo, para sa tanang tao.

Tuesday, April 12, 2011

Dalawang Tula



1. Himig ng Commuters sa Umagang Lunes

—bilang lyric-song tribute ko sa dating naririnig sa mga jeepney 
na mga awitin ng
        Juan de la Cruz Band tuwing umaga


Halina, mga ‘pare ko’t ‘mare, sa rush hour ng
bagong umaga’t simulan na ang Lunes ng rice
and fish ‘n’ chicken hunting week nating ito!
Bagamat lumang gawi, na di mapawi-pawi ng
madulas na lotto, at kahit hindi madali at sa
katunaya’y sing-hirap ng mahirap na kirot sa
marrow ng inyong mga buto, sasabihin ko pa
ring halina today, halina for tomorrow, sa
siglong wala pa tayong magagawa kundi ang
sumabak nang sumabak sa balong malalim na
‘to—sa rush hour ng nag-oopisina, ng paring
wala nang misa, ng magbobote’t magbabakal,
ng pulis, ng kriminal, ng Presidente, ng mga
walang pulitika’t lubog lang sa kanilang arte,
ng madaldal na contrarianist, ng nagtatagong
communist, ng stockbroker, ng economist, ng
chemist, ng mga nars na nag-night shift, ng
duktor na magkiklinik, ng naghihintay na

promotor, ng pagod nang janitor, ng naghahanap
ng mapapangasawa, ng naghahabol ng kerida,
ng tao, ng hayop, ng insekto sa mga bus, ng mga
dyaryong di naubos, ng taho at puto, ng kapeng
di barako . . . Lakad na, iwan na natin ang
barangay sa kanyang mga housewives at house-
husbands, mga palengkera’t tsismoso, mga
drayber ng traysikel at mga tulog pang basag-
ulero, mga ngumunguya pa ng pan de sal, mga
walang almusal, mga retirado, mga pensyonado,
mga naghihintay ng pagbukas ng bangkong me
padala ng kapamilyang OFW, at mga walang
trabaho, at mga nag-iinuman nang nawalan ng
trabaho. Lunes, Lunes! Tapos na ang Linggo ng
mga kristo, ng ating Kristo. Bilis, bilis! Mahuhuli
ka sa bundy clock ng late magpasahod mong amo.

Give us this day our daily bread, O Lords, O
Plutocrats. Give us this day our inheritance, O
Luck, O capital lottery pot! Nawa’y ang economic
planning na pinag-uusapan sa radyo ay gisingin
tayo pagdating ng carpool ng commune sa istasyon
ng inutang na Manila Metro. O, halina, mga ‘pare’t
‘mare ko, dito tayo magkombo, sa rush hour ng
milyong gumagapang sa bagong umagang ‘to
patungo sa gubat ng business districts kung saan
naroon ang hunting ground ng daily rice ‘n’ fish ‘n’
chicken ng working class mula probinsiya at mga
projects na tulad natin. Ito ang ating balong malalim.

Araw-araw, beep beep beep beep, hanggang Biyernes,
ito ang himig nating aawitin. Limang araw nating aawitin.


2. Linggo

Ito ang sermon ko sa pulpitong bato sa Lunes na totoo,
labas ng “cosmic entertainment” ng Katolikong Linggo,
says Frank O’Hara, at sisimulan ko ang lahat nang ganito:

Ang buhay, ayon kay Longfellow, ay pinapanday ng
arkitektong nakatago sa kaluluwa mo. Gisingin mo ito, at
idisenyo ang panaginip mong bahay-kanlungan ng sarili
mong pagkakuntento. Maaaring ito’y sinlaki ng Gobyerno,
o sing-lawak ng kaalaman mo sa mga mikrobyo, walang
bahay ng buhay ang hamak at dapat hamakin maliban
sa bahay ng nabuhay sa krimen. . . . Ikaw, naaalala mo ba
ang iyong mga panaginip, little or big fellow, bago ka
nilamon ng kolehiyo at trabaho tungo lamang sa life of
contentment . . . sa buwanang suweldo, insurance, new
acquisitions, bagong titulo? Ito ang sermon ko sa bato.

So, kumusta, arkitekto? Nasiyahan ka ba sa bahay mo?
O masaya ka na ba sa magarbong inihanda mo nang
mosoleyo at nitso para sa pagkamatay mo at sa plano
mong orkestra na tutugtog sa lamay mo? Di ba mas
mabuti pang pagtuunan mo ng pansin ang buhay mo
kaysa sa mosoleyo ng kayamanan? . . . Ano ba naman
ang magmunimuni ka muna sa iyong engineering bago
kumilos nang kumilos, magdrowing nang magdrowing?

. . . Ito ang sermon ko sa pulpitong bato sa Lunes mo, di
‘to mula sa mala-palasyong Linggo, pinatayo ng Obispo.

Tuesday, January 25, 2011

Poem In January


Nag-iwan na naman ng Post-It ang kaluluwa ni
Frank O’Hara sa monitor ng PC ko, God rest his
soul, kaya kinaya ko sa aking kalasingan ang
magbasa ng sangkaterbang dyaryo, sansakong
libro tungkol sa kasalukuyan, kung totoo nga ang
kasalukuyan at hindi panaginip lang, o kung

panaginip man ay panaginip ni Magritte sa Enero
1936 na isyu ng New York Times (di bangungot
ng Marso 1912) na sabi’y “SHOW LISTS
WORKS OF SURREALIST ART; Paintings of
Rene Magritte Are Seen for First Time Here at
Julien Levy Gallery. OBJECTS IN ODD

RELATIONS Canvases Arid With Respect to
Esthetic Content -- Shock of Metaphor Is Seen.”
Sinagot ko si Frank O’Hara sa blog ko, sabi ko,
“Mr. O’Hara, sir, kung iyo pong mamarapatin,
nararapat ba talagang patayin ang Kasaysayan
at Literatura para sa karangalan ng indibidwal?”

Hinatak bigla ng hanging di ko maunawaan
itong kanang-kamay kong magaan, at banat
hanggang sa buto ang balat ng mga daliri ko,
mga daliring nagpumilit na magsaboy ng punla
ng mga sagot: “Eto ang sagot ko sa ‘yo, on
behalf of Frank who is presently shaving the

armpits of the Devil in Heaven, hahahahahaha.”
“Who are you? Magpakilala ka.” Huminto ang
lahat. Nag-brownout, kumulog, at dahan-dahang
pumatak ang ulan at tumugtog ang Piano
Concerto in G ni Maurice Ravel, si Marguerite
Long sa piano, sa ibabaw ng Enerong speech ni

Adolf Hitler sa Industry Club na tungkol (di sa
Enerong pagkamatay ni Alois kundi) sa parating
na Enerong Chancellorship niya tungo sa
inaasahang parating na Enerong Wannsee
conference para sa Final Solution. Kinabukasan,
nag-iwan na uli ng Post-It si Ginoong O’Hara.

“Haha,” sabi, “haranahin mo ang tenses, wasakin
ang tonsils ng mala-Hitler na pagpupunyagi.
Huwag mo lang akong isali riyan sa kalokohan
mo.” “Subalit, sir,” blog ko, “ang present tense
ay Tula, at ikaw ang nag-ukit nito sa epitaph ng
nitso mo hindi lang last All Souls’ Day, di ba?”

Hinangin ang Post-It, at palipad na pumalit ang
pahina ng classified ads na galit sa headlines at
natutuwa sa pribadong mga pangangailangan.
Hinawi ko ito at wumagayway ang screensaver:
waling-waling na walang kulay, nakatigil na mga
larawan ng limot nang monitors ng Kasaysayan.

Thursday, December 30, 2010

Limang Tulang Alay Ko Kay Rizal



1. Heksagram 13, Para Sa Aking Ka-Tulaan

Nakipaghuntahan ka sa iyong kapwa
sa sala ng iyong tahanan, at wala
akong nakikitang kamalian. Tunay na
itong pakikisalamuha mo ay hindi
dahil sa isang biglang pagkapukaw mo

sa mga nakamamanghang sarap ng
pakikipag-kapitbahay. Oo, maaaring
ang papel mo rito ay hindi sinasadya,
ngunit ang aking masasabi, kumare,
manatili tayo rito at tuloy-tuloy na

makipagtalakayan, dahil sa kung sa
kapwa intelehensiya lang mananatili,
tayo ay magsisisi dahil bilang ang
kasama. Ito ang panahong kailangan
ang pagkakapitbisig nating mahaba at

malawak, hindi ba? Sabi mo pa nga, di
tayo snobs, ‘pare, hindi makitid sa
pananaw ng nakararami. Subalit, itago
muna natin ang mga patalim, at
magmasid muna sa tore ng ating mga

nalalaman; tunay na hindi pa nga
napapanahon itong ating pagbunyi ng
mga esoteriko, at heto at kahahakbang
lang patungo sa gitna ng lipunan, sa
kalipunan ng di naman makasariling

mamamayan. Ang ating pinunla sa
harding ito, tanging tiwala na di tayo
sasaksakin sa likod, hindi hahamakin
sa pagyakap natin sa mga bagay-bagay
na di natin noon lubos na maunawaan.


2. Heksagram 29, Para Sa Aking Kapwa

The floodwaters of the English river will
       soon break the levees
of the Tagalog purists, my friend; do you
think we should do something to weaken it?
Pero teka lang, kaibigans, this burgeoning
Englog is by itself an Order unto itself,
needing no Orderlies to whitewash its ways,
tama ba? Why even bother to keep Tagalog
pure, putsa, to satisfy some nationalist
illusions, when we ourselves belong to them
Englog malls where the price of the same
organic bread is hiked to suit protectionist
pretensions? Calling Anthony Bourdain & all
those peasant-food sympathies of his at nang
mapakain nating lahat ng mga ka-mall nila
sa kamayang totoo, Creole cuisine-like talk
for all this creolization of language from all
the classes.
                       I say, ‘pare,
huwag na nating problemahin ang mga problema
nila. Take comfort in the fact that Tagalog’s
waning purism has no less of a frustrated Order
than the ongoing mess inside English’s own.


3. Heksagram 27, Para Sa Kapwa Ko Wage Slaves

First of all, huwag kang maiinggit sa mga may
     kari-kariton na yaman.
Pangalawa, may simpleng yaman kang makakamit
     sa araw-araw.
Pangatlo, may mga gawain ka pang lingid na sa
     ‘yong bulag na paghahangad ng yaman.
Pang-apat, heto’t ika’y pinagpalang nagnanais
     at may mithiin pang yaman!
Now, having said all that, walang kamalian. . . .

Lalo’t tanaw mo ang iyong pagkainggit, tanging
     diskuntentong pagkapagod, mga
mali sa buhay, at ang walang humpay na
     pananaginip ng buo mong tulog na
pagkatao na maya-maya lang ay . . . magigising?


4. Heksagram 12, Para Sa Manlalakbay at Mambabasa

Sa ating multicultural world, . . .
ang wikang hinati-hati ng mga
watchmen sa ating boundaries, ng
kasamang prejudices at comedies.
Matuwid man ang gawin mo,
makasisiguro kang mayroong
magmamasama sa lahat ng utopia

ng iyong grupo. Reader, manatili
ka sa walang saysay na tulay at
matatanaw mo ang kapayapaan ng
Pragmatismo. Kailan ba kailangan
ang mga bagay na kinailangan,
ang mga bakod at bakuran na di
madadalaw sa paglalakbay ng

iyong katawan o pang-unawa?


5. Heksagram 6o, Para Sa Mga Tulad Kong Mahilig Manggaya

Teka nga muna, teka.
Teka, teka, teka. Teka lang,
teka! Ano ba talaga
ang balak mong makita?

Tulad mo, ako’y sarap na sarap
sa panggagaya, pagpalakpak
sa banyaga man o Bisaya,
sa galing ng itinuring.

Subalit di ba mas sapak ang
ipasak mo ang lahat . . . sa
pagkatao mong wasak, upang
makita mong iyo na lahat?

Pumalakpak ka at gumaya.
Gamitin ang magagamit at
ang di swak ay iwaglit.
Manggagaya? Teka lang, teka.

Friday, December 24, 2010

2 Tula


1. Tula ng Misantropo

Anong “tula, tula, mahal kong Tula!” ang
pinagsasasabi mo? Di ba’t doon ka rin pupunta,
sa dambana ng kumikinang na simbahan,
mabangong restoran, matamis na urban park,
maluwag na karaoke booth, mahalay na
furniture shop, marupok na Cinema, taimtim na
department store, matuwid na zoo, magalang na
city hall, matalinong art gallery, bobong roller
rink, matunog na duckpin bowling alley, bulag
na alcohol-free bar, mala-langit na resort, mala-
impiyernong Jacuzzi, walang-panghihinayang
na rides at arcade games, inspiring na gadget
shops, perspiring na pizzerias, pare-parehong cd
music, patay-sinding Christmas trees, atbp.,
isang linggo bago tayo maghiwalay sa Pasko?

Hindi sa terrazzo walk of fame ng sarili mong
barung-barong ka maglalakwatsa, ikaw at ng
iyong thirteenth-month pay, . . . di ba? Sigurado
ako, doon sa coffee house mo dadalhin ang
iyong mga libro ng tula, at doon babasahin ang
mga linyang sumasayaw lang sa harap ng
magagandang taong may mga tula rin sa labi na,
kung susuriin, wala sila rito, ang tanging mga
narito ay mga mamamayang may mga holiday
hot tsismis lang naman tungkol sa kanilang mga
minahal sa nagdaang taon, na, tamang-tama,
iyan ang s’yang napaksiw nang paksa ng tula
kong ito na naghihintay sa ‘yong opinyon dito
sa pinag-ipunan kong cold front ng iyong
paboritong terrazzo floor, dito sa malungkot
mong favorite Starbucks store. Teka, bakit pa ba
magkikita? Mga pangngalan ang iyong
bukambibig, mga pang-uri nasa aking mata.


2. Ang Vlogger at ang Kaniyang Ninong

Pasko, Pasko, Pasko. Pasko na namang muli at muli
kitang nakitang naglalaba ng costume mong Sta. Claus
para sa santong Biyernes ng gabi, noong 2009 Dis.
Muli na naman kitang naamoy, na para bang kasama
ka sa mga baboy at manok ng iyong adobada, ng iyong
menudo, ng ‘yong arroz caldo, at ng iyong piniritong
polvoron “for the poor,” sabi mo. Sino ba ako? Ako
po ito, Ninong, mano po, Ninong, kumusta po kayo?
Kumusta po ang cancer ninyo, balita ko may sampung

taon pa kayo bago mapanalunan niyo at last iyang lotto
sa Langit na balita ko, ayon kay Monsignor B. Nucboc,
ay nakalaan sa ‘yo at sa mga tulad mong pinagpalang
Santa Claus ng munisipyo. Puwede po bang makisakay,
Ninong, at nang ma-video ko ang tour niyo sa Putikan
Street ng mga squatter ng barangay at ang paghahanap
niyo ng ninakaw na kampana ng kapilya? Puwede? Ang
totoo niyan, Ninong, kaming mga nabubuhay na patay,
isang taon naming hinintay itong pagsapit ng Pasko,

di tulad mo, sampung taon pa bago matulad ka namin.
“Haha,” sabi mo, “sa’n mo ba nanakaw iyang camcorder
mo? Aminin.” Sa iyo po ito, bigay niyo! Kaya pangako
ko sa ‘yo, mula ngayo’y irereport ko ang kadakilaan
ninyo, despite sa sikat nang katamaran ko. Tugon niyo,
“‘di tamad ang mahihirap na tulad mo, hijo, namulat
lang na walang kapital, di tulad ko, may namanang
talento at titulo, at tipikal na pulitiko!” Akala ko po ay
negosyante kayo. “Amen. Sponsored ng meyor dito.”

Nang siya’y mamatay, ako ang naging bagong Ninong
ng baryo, bagong mabait na Ninong ng lahat ng tao rito.

Wednesday, December 15, 2010

Para Sa Atin na Mga Walang “Dignidad,” Nasaan Ang Dakilang Espiritu Sa Likod Ng Mahiwagang Teknikalidad? (And Trust We Must In Which God?)



1. Sigawan Sa Gabing Madidilim Sa Mga Darating na Rehimeng Mahalay

Tulad mo, siya’y minsa’y nawawalay sa mga anak.
Sino’ng makapagsasabing di sila mapapariwara’t
Mababarkada sa mga binata at dalagang bulakbol,
Puro basketbol ang alam, mahal na shabu, shabu-
Shabu matapos mag-inuman? Sino? At sino silang

Makapagsasabi na malayo ang aksidente, disasters
Our era—of drugged emotions, machismo—does
Permit? At pagdating sa pa-Inglesang magaling, sa
Imbestigasyon ng pulis at ng mga abugado, katulad
Mo, ano ang magiging laban ng kawalan kumpara sa

Impluwensiya ng gumugulong na inipong pera para
Sa lahat ng hahawak, susunog, maglalakad, magma-
Magic, mag-lologic, mag-iinterview, mag-rereview?
Tragic magic! Ipapasa-Diyos na lang iyang nahalay
At namatay mo? Mga Diyos-Diyosan dito, kaninong

Diyos ba siya tatakbo? Sa Jews’? Saan? SA-AAN?!!


2. Martsa ng Bagong Umaga Sa Likod ng Lumang Korteng Matakaw

Sa sarap ng agahan ninyo di niyo ako napapansin.
Meron sana akong sasabihin, pero alam ko rin na

Wala ritong tatanggap dahil ito’y pisong salita
Lamang. So, okey, di ko ipagpipilitan, ako ay

Pipilipit na lang muna, dahil alam ko namang sa di
Maiiwasang pagliko ng sinag ng araw may dadakpin,

May iipitin, may lulutuin itong bagong Sunny Side Up.

Monday, November 22, 2010

Cultural Center Ninyo


Katukin mo man nang katukin ang konting kontak mo
sa mga kritikong bulag pa rin sa laman ng kinaiinisang
kalaboso, malamig pa rin ang magiging himig ng tula
mong musmos pa sa tumatanda nang sigaw nitong siglo.

Ikaw si makatang makatao, sila si estetikong hari ng . . .
ng style at smiles sa aisles nitong cultural center ninyo.
Ako, sino ba akong wasted na nagmamasid sa kultura
nila na bumaon na sa lalamunang kumukokak sa Taste?

Haste makes waste, ika nga, at late na ang lahat para
maayos pa ang puno ng duhat sa hardin ng rosas. Hala,
ipagpatuloy nila yan, baka sakaling umulan, buwanan
pa naman kung kumita ng stipend sa binuwayang buwis.

Huwes daw akong inggit laang. Sabi ko naman, abugado
sila sa mga krimen ng nakasanayang kawalang-saysay
na sumasayaw sa entabladong di pinapanood ng tao
kundi ng mga matatalinong gago sipping wine sa likod

ng pinto na kung kakatukin mo, walang lilingon sa ‘yo.
Ganti lang siguro ‘to sa ‘ting mga di sisipsip sa soprano.

Wednesday, November 17, 2010

Saan Ka Pupunta?


Báka. Ninakaw ng isang manlalakbay.
“Baka ikaw,” sabi niyo, “baka pati isang
Baboy ko dinala mo, kung saang lupalop
Mo man dinala.” Barangay nagparatang,
Isang sakuna sa kapalaran ng aking Itay.
Malas. Walang masamang tinapay pero
Minalas, buti na lang at tinanggap ni Itay
Ang tadhana, binura lahat, asa sa abugado,
Lahat ng gustong mangyari, sa damdamin.
Ngunit heto kami’t pinilit siyang umaksyon
Ayon sa nararapat na aksyon, at ayon din sa
Kinakailangang aksyon. Yun. Siya’y kumilos
At sumilong sa nakaambang na puting ambon,
Lingid sa kaalaman ng baboy niyang abugado,
Lingid sa damdamin ng mga tao, maliban dito
Sa lupalop kung saan dinala niya ang pag-asa.

Walang masamang tinapay ang ating tadhana.
Oi, ninakaw ng isang baka ang manlalakbay!
Hustisya! Aksyon! Makaaasa ka sa ambon!

Tuesday, November 9, 2010

Requiem Para Kay Ophie (Dimalanta)—Makata, Kritiko ng Wika


Taong 1987 sa barko papuntang isla ng Bohol galing ng
     Dumaguete,
naghuhuntahan kami nina Ophie at ng mga writing fellows
ng Silliman University National Writers Workshop
tungkol sa isang verse at chapter sa Bibliya na di ko na
     matandaan.
Ibig kong sabihin, kahit anong teksto pag-iinitan ni ma’am
Ophie. Sabi nga niya, itong aming mga panelists na makata,
sina sir Krip, sir Cirilo, sir Cesar, ay tila mga knights na
ng bilog na mesa ni Mom Edith at Doc Ed (mommy ng
     workshop
at doctor of philosophy Ed, founders), dahil . . . bakit
nga ba sa Pilipinas lahat ng guro ay ina-address bilang sir
o ma’am, lahat ng lawyers Attorney, lahat ng engineer
Engineer? At lahat ng PhD “Doctor.” Kaya, Doc Ophie na rin.

Ikaw na nakakikilala kay Ophie, naaalala mo nung
     nakipaghuntahan
ka sa ating Ingleserang Ophie tungkol sa gamit ng mga pulis
ng salitang “salvage”? Kasi nga naman, bakit nga ba ang
     summary
execution gagawing salvage ganung itinapon mo na ang tao,
     unless
ang ibig mong sabihin ay i-sasalvage mo ang kaso after itapon
nung corrupt na piskal o huwes. At noong kayo’y
     naghuhuntahan
tungkol sa pidgin at bastardized English nating mga Pilipino,
may tumawag ba sa kanya sa telepono, at nang sagutin
nung sekretarya, sabi’y “for a while”? Nagkatinginan ba kayo
ni Ma’am Ophie o Lady Ophie o Doc Ophie o Simply Ophie?
Nagtawanan ba kayo? Oo nga naman, bakit nga ba itong “hold
     On
a minute, please” ay ginawang “for a while” gayung Inglesera
     na nga

itong boss mo, hija, nakakahiya ka. :D Anyway, wala na si
     Ophie,
o kung tawagin pa ng kanyang mga estudyante na tila
     kinatuwa pa
niya: Dima, short for Dimalanta. At alam niyo ba’ng sa
     Pilipino
ang ibig sabihin ng “di malanta” ay plant that won’t die? Pero
huwag na nating pakialaman yan, walang pakialamanan sa
     apelyido,
ha. After all, marami sa atin ang me Espanyol o bastardized
     Spanish
na apelyido, kahit indio naman ang mukha. Tulad ko, na
     minsan pa
nga tila intsik ang bigote pag humahaba na. Bakit nga ba hindi
nanatili sa ating lahat ang mga apelyido na tulad ng
     Dimasupil,
Dimaculangan, Puting Ulap, Berdeng Yero? Anyway, wala na
si Ophie, at—tulad ng katawan nating lahat—malalanta na rin.
Maliban sa mga alaala tungkol sa kanyang pagka-makata,
     -kritiko,

-Inglesera, -isnabera, -masayahin, -mabasahin, -masalamin,
     -tao,
-mabait, -magaling. Kaya heto kami sa 2010, sa paghinto ng
     edad
niya sa bilang na 78, sa solemnong espasyo ng chapel nitong
kanyang mahal na Unibersidad ng Santo Tomas. Kung
     makakausap
lang namin ang kaluluwa niya, magsasaya na siguro uli kami,
na tila nasa nakalutang na barko, tungkol sa “necrological
     service”
na ito para sa kanya. Marahil ay sasabihin ni Ophie, o Simply
     Ophie,
“para naman kayong—hindi mga sir knights kundi—
mga privates sa Saving Private Ryan na in-assign ng kernel
     niyo
na gumawa ng necrology o listahan ng mga namatay bilang
     service
niyo sa armed force service.” Bakit nga ba naman pati ang
     isang
makatang Inglesera ay hahayaan nating bigyan ng funeraria

at kapilya ng isang “necrological service”? Sabi pa nga ni
Butch, dakilang nobelista, tila tayo lang sa Pilipinas
ang gumagamit ng “fictionist.” Pero okey lang daw iyon, dahil
hindi naman mali, parang nahihiya lang dahil karamiha’y
     short
story writers “lang.” Anyway, balik tayo sa necrology. Binasa
     ko
hindi ang isang listahan ng mga patay kundi listahan ng
     “guests”
o bumisita o naghatid sa katawan ni Ophie o Simply Ophie
sa huling araw ng kanyang katawang presensya. Ngunit maiba
     ako:
kaninang umaga nabasa ko na naman ang clip tungkol sa
     kanya
sa dyaryo. Siya raw ay ang UST poet na si Ophelia Dimalanta.
Paalam, Ophie. Parochial na ang poetry ngayon. Una,
     dinissolve
ng UST ang pinaghirapan mong Creative Writing Center.
     Now,

mga makata’y paghahati-hatiin namin into UST poets, UP
     poets,
La Salle Univ. poets, Ateneo, and so on & so forth. Paalam
     na, Poet.
Paalam na, poets. Puwet ng baso na lang kayo sa inuman ng
     bansa
na umaawit ng awit ng mga komedyante sa mga pakontest sa
     TV.
Pero, teka nga muna. Bakit ba mag-rerequiem? Ba’t
     magrereklamo?
Ikaw itong nagbigay inspirasyon sa sangkaterbang estudyante
na di nag-nursing o nag-engineering o nag-medicine o nag-
     law
kundi nag-litt sa iyo, lit by the lightning of your stare
and star system, kahit alam naman natin na palubog na ang
     araw
ng mga makata sa paglago ng business district ng Makati. Kati
ng bulsa ang kinakamot ng lahat ng akademiko tungong mga
     kurso
ng skilled workers for the human resource GDP looking for
     Sirs, Ma'ams.

Sige, kami’y magpapaalam, ngunit asahan mong isasalvage
     namin
ang kaso, at makikita mo ang prutas ng turo mo. “For a while
     ha.”

Friday, November 5, 2010

Tayong Nakararami


a. Dahil Alam Kong Walang SayĂ ng Magtatagal

Tikman nang malasahan ang sarap ng lawa sa guniguni.
May bukas nga. Heto ako’t gising na sa bagong umaga,
Kaakibat ang walang-sawang kakayahang magpasarap
Sa mala-santong kawalang-nais: walang nakaeengganyo,

Walang nanghihimok at walang nakakawalang-respeto,
Lahat ng bagay sapat, at makakaya ko pang magpasasa
Palutang-lutang dito sa gitna ng lawang tapat na hindi na
Lumilingon sa pinanggalingang lupa, tanging hinihintay

Ay ang pagkagunaw ng payapang bangka. Huwag kang
Maiinggit sa akin, o mahiyang lumapit; maski ikaw man
Ay makatatanggap ng ganitong alwan sa mabagal mong
Pagdais. Sasabihin ko na sa iyo kung saan ko ito nakita:

Di ko inihahambing ang linamnam ng gintong tuyo sa foie
Gras ni Chef Jamonita ng Tsalap’s. Tanggap ko, kaharian
Ko’y wala sa mga araw, buwan o taon, kundi sa paggapang
Ng walang-hanggang kasalukuyan na di sinusukat ang asim

Ng mga bagay, kundi ang pagyakap ko sa bawat isa sa mga
Ito, na tinitikman upang malasahan ang alat ng lipunan. Oo
Nga’t minsan ay may pait ng pagkakamali, ngunit ang mali
Ay di mali kung kinakailangang mailapat yang pait sa dila

Na mamaya ay dadapuan ng tamis. Walang kakila-kilabot
Ang lasa o lasang-kendi. Parehong elemento sila ng bangis
Ng recipe ng buhay. Hihikayatin ko kayo sa kalinamnaman
Na narito mula pa kahapon. Kulong ako ng pagkakuntento,

Sabi mo, ngunit ang tao, pag kuntento ngang tunay, ay hindi
Maaaring hindi maumay. Konsepto ko ay walang masyadong
Pagtingin sa kakulangan o kasapatan, walang pakialam sa mga
Konsepto. Ang mga nararamdaman ko ay hinahayaan ko lang

Na magasgas sa arawang dingding ng nadadaanan kong mga
Higanteng gusali o barko, mga nakasanayang ginhawa ay di
Na masaya o malupit, tanging naiiwa’y ang mga dingding na
Gasgas na may iwang bakas ng aking kawalang-pakiramdam.



b. May Nasaktang Planetang Walang Partido

Makabubuti sigurong sumakay na sa matuling kabayo
Kapag nasugatan na, ang mga parating na itim na ulap
Ay maaari pang takasan, maaari pang maisalba natin
Ang ating mga sarili, tayong nakararami, tayong mga

Maaaring magkapit-bisig. Ngunit sa teknolohiya nga
Ba natin, mapapaslang pa ang lider ng Dilim? Huwag
Aasa na di ito muling mabubuhay sa bagong katauhan
Ng kanyang alipores; bawat alalay niya ay lider din,

Buhay sa umiikot na hangin ng kaaway. Huwag kang
Magrerelaks, Max, mata mo ay talasan, ang dilim ay
May dalang aral: sa mundo, magkakaiba ang timpla,
May kanya-kanyang konsepto ng mapayapa’t giyera,

At sa pagkakaibang ito ang klima’y hati sa dalawang
Importanteng impormante ng talino. Itong sa kaliwa,
Kanan, gitna o anuman ay mga hagibis lamang, pag
Kinutya ang planeta di magpapatawad, ang nasaktan

Mo’y gaganti nang walang kabayo, hawak ang ulap.




c. Ang Diyos ni Spinoza

Kung natural at di artipisyal, nararapat na kumilos
Sa naturang kilos ng mga natatanaw na batas
Ng kalikasan, sa talinong wagas ng Natura—kahit
Ito ma’y si Kuro-kuro, ito’y Pisika, Matematika.




d. Ang Tula

Ako’y nakapako na sa aking mga panaginip,
Di bibitiwan hangga’t di naiidlip. Ito ay salbabida,
Ito ay alituntuning sinusunod ng aking Kaharian.

Ito ang binabantayan ng mga tao ko, ang hari nila’y
May Hari sa guniguni kong ito at sinusunod na
Parang utos, na parang unos ng Kaligayahan.

O Salbabida, lalanguyin ng hari ang army ng kalaban.
Salbabida, susubukang lunurin ng Kurapsyon at Kamatayan!


Sunday, October 24, 2010

Bilog ang Mundo Rito (Sa Slum)


Something’s cooking pa sa kalan
   at wala pa ang enemies natin.
Alam ko, kaiinggitan ang ulam
   nating nakahain, na naman,
ang linamnam nitong bunga
   ng paniniwala sa matuwid
na pamamaraan, na walang
   pagmamayabang, kung kaya’t
di dapat kainggitan sapagkat
   kung merong dapat pagalitan
ito ay ang Maykapal, dahil tayo
   ay witness lamang, niluto
lang natin ang nakita sa bakuran.

Lahat ng tao’y may bakuran, o
   kung wala man may maituturing
na yaman. Mula Baclaran . . .
   hanggang Bulacan o hanggang
Bataan, ang mga walang bahay,
   ang mga squatter lang, gising
na sa umagang maituturing na
   biyaya ni Bathala para sa
isa na namang araw sa digmaan—

   hindi pakikidigmang kikitil
ng buhay kundi ng nabubuhay na
   sasailalim sa mga kasakiman
at kawalang-pakialam sa mga di
   nagkamalay sa inherited wealth.
To health! Itaas ang kape sa baso,
   tikman na natin ang nakahaing
simpleng nilagang itlog & marami
   pang gagawin sa mundong bilog.

Thursday, October 14, 2010

Nawawalang Fan Kong Si Beth (o, Hide en' Seek)


1. Katorpehan

Okey, alam ko, ninais kitang mahanap, makapiling,
Ngunit ni kalahating hakbang man lang di ginawa,
Di naawa sa sarili kong pag-iisa. Okey, okey, mali
Yon. Awang-awa ako sa sarili ko, I know that, pero
Ang nakikita ko’y pagkapilay ng tadhana, kawalang-
Paa ng mga kabayong paralisado ang mga pagnasa.

Guilty ako. Ako. Akong sa napakahabang-panahon ay
Walang sinamba kundi ang paghihintay na unahan mo
Ako at kausapin mo, dahil alam mo namang pipi ang
Mga pagsamo ko sa tila bulag at tanga mong pag-ibig.
Alam ko ring wala kang ibig kundi ang makita itong
Martsa ko na humakbang nga, kahit habang-panahon

Ay nabibingi ng di marinig o maintindihang mga awit.


2. A Quadrilingual Coffeetable Poem

May panukala akong gustong ihain sa hapag-kainan
     ng ating lipunang maka-sining.
Ngunit ilan ba sa inyo ang mahilig sa suman, ilan
     sa paella o hamon o foie gras?
Kakausapin ko pa ba kayo sa coffee shop mamaya
     o didiretso na tayo sa carinderia?


3. Geography Untrammeled

Ano ba ang ibig sabihin ng pagmumuni-muni?
Must it be about money? Or poverty? Or death?
Pwede bang pagmunimunihan—sabon ni Beth?

Wednesday, October 6, 2010

Mga Talunan


1. Soneto ng Isang Ignoranteng Bangus sa Laguna de Bay

Sa gitna nitong mga kidlat, kulog,
Alam kong ako’y mangangatog,
Mangangatal, mabubuwal, ako’y
Mapapahiya, hihiyain, kukutyain,
Pagtatawanan, ipagtatabuyan,
At ako itong di alam ang gagawin
Sa pagsapit ng maulang dilim
Sa labas ng hawlang maliwanag—
Sa loob sila’y magpapaliwanagan.

Wala akong nakikitang idudulot
Ng anumang gagawing Aksyon,
Kaya sa nakaakmang mga sakuna
Ako’y lalayo, tatabi, gagapang,
At lilihis ng landas sa inyo rito—
Sasama ako sa bagong prosisyon.


2. Mabuti Pa Nag-Swimming Na Lang Kaysa Nag-Sining

Sige, batikusin mo ako sa batik-batik
Na dampi ng brushstrokes ko sa canvas,
Sa aking paghahangad ng malangis na
Kinis at dulas, ay pinagsisisihan ko
Ang landas na pinili ko—bakit narito?

Nagtatawanan na ang publiko, kritiko
Silang asar na asar sa aking mga mata,
Naghalakhakan sa aking pagkabuwal sa
Gitna ng pinto kong tanaw ang mundo,
Ang karagatang nilalanguyan ng tao.

Ako ba’y tutuloy, lalabas, tatayo lang,
O tatakbo, gayung alam kong walang
Sasaklolo sa lupang ito, wala ring ilaw
Sa dalampasigan, ni salamin man lang,
Di masid reaksyon ko sa panlalait mo.

Kailangan ko ang makinis at madulas
Na landas! Ako’y nanganganib sa’king
Tinatahak—tagumpay na minamadali.
Masyadong maaga o labis na nahuhuli.
Maselang kang hindi mapalagay sa akin,

Isang nerbyoso, adelantado, na-late ako
O biglang nawala, nagkukumahog sa
Paghahanap ng makapagpapahinto sa
Takbo ng aking naliligaw na kamay-
Sining. Pinagsisisihan ko ang landas na

Pinili ko—bakit narito sa publikong ‘to?


3. Ang Abogado at Ang Whistleblower

Sunod-sunod na balakid, sunog
Na ang kilay ko sa kasusulat nitong
Mga talatang ang tanging misyon
Ay ambisyon, at bagamat bisyon
Nito ang konsensya mo, paghimok
Sa iyo na huwag bibitiw, manatiling
Nakalitaw na kapwa ko buteteng
Nalason ng nakapapagod nilang
Solusyon, Konggreso ng Pilipino.

Mananatili kayang kapit-bisig
Itong magkasamang lumutang?
Buhay pang handang mamatay?


4. Join Them, Beat Them

May sungay ka man, suwayin
Ang sermon ng katapangan, at
Ang araw ay magiging maganda
Para sa pagdamo mo sa bakahan.

Hindi ka mamumula sa pula ng
Bandilang naaaninag sa gubat,
Di ka manghuhula kundi may
Simpleng ikikilos pauwi, uuwi.

Walang masasaktan, at sa gayun
Mabilis nating mararating itong
Hinahangad na hamburger para
Sa lahat sa iyong kainang maliit.

Minatamisan ng kiss ang mais
Na nais para sa bayan, at ikaw
Na nagsabi noong, “no!—baka
Wala nang pag-asa,” hah, bakĂ !

Mukhang tatalunin ang Big Mac
Ng murang halaga, halimbawa?


Tuesday, September 21, 2010

Nicene Greed


Fully aware of what I seem to be doing, ako’y wala nang
     magagawa
Kundi ang ipaalam sa sarili ko sa dilim na this has happened
     already,
I can’t do anything anymore about it, kaya huwag nang isip-
     isipin pa

Itong sitwasyon, mga pagkakaibigan o pagsasamang nasira,
     sinira.
At bulong ng konsyensya ko sa dilim, you can’t deal with it,
     can you?
You ought not! Mula ngayon, do’n ka na lang, ke Arius? Na
     malawak

Ang pag-unawa, pasensya, talentong magpakumbaba, sa mga
     liberal,
Sa kung kanino, sa mga sitwasyon, ay walang pagsasamang
     magdadala ng
Giyera, maliban na lamang kung nandyan na si Theodoric the
     Great.

Dahil, unang-una, pare-pareho tayong uhaw, pare-parehong
     gutom,
Lahat tayo nag-aambisyon pa lamang na makapagtayo ng
     relihiyon
Na lalaban sa posisyon ng Lumang Roma tungkol sa subject
     na Truth.

Ilabas ang blood broth, ipasapasa hanggang sa dulo, mga
     ‘pare’t ‘mare,
Lahat tayo, we believe in God, the Father Almighty, and the
     Son is . . .
The Sun? Whoa, pagtatalunan na naman ba natin yan? Mag-
     inuman

Na lang tayo ng dugo ni Kristo, break bread! Unless
     negosyo na ‘to.


Friday, September 17, 2010

Ilabas, Ilabas


1. Ito Na ang Huling Bank Robbery ng Makabayang Makatang si Inggo

Ako’y narito na, alam mo ba, kumakaripas
Sa runway, ito ang aking inaasam na flight
Tungo sa iyong pagbigay-pansin. Ano ang
Masama ro’n? Oo, totoo ngang kasalukuyan
Kong pinagpilian ang dalawang ideyalismo,

Una, magsilbi lamang sa ‘yo bilang laman
Ng puso ko, ang pangalawa, sa nasa langit—
Hindi dawit ang mga santo kundi, higit do’n,
Ang pangit na asal ng di pakikialam, busal ng
Pagkawalang-ideyolohiya, tanging sunbather

Lamang sa beach ng D-Day ko. Yawa, inday,
Ngayon mo ako pinapipili na magagampanan
Ko na ang parehong direksyon? May kapital,
Ako na ang kapitan, kapus-palad ako noong
Nakipagkontsabahan sa mga salamangkero.

Ako’y narito na, alam mo ba, nakakalas na
Mula sa aking hangar, palipad, at hindi para
Ma-hanger muli kundi maamoy ang simoy:
Mga sagot mong “oo, sige, oo.” Pipiliin ko,
Pipilitin ko, ang makabubuti lamang sa iyo,

Although walang garantyang mabibitawan
Ko ang matagal ko nang inasintang pagtula,
Pagpabola, o pagbulalas ng mga likha; oo’t
Di ‘to makabibili ng trust fund, pero ba’t ba
Natin iisipin iyon, love? Mabubuhay na tayo

Sa dasal! Ilabas ang inasal ng bagong kasal!


2. Huwag Matakot Matapos Manalo sa Lotto

Di dapat maghari ang hangin ng tadhana
Sa layag ng kapilyuhan. Mangyari pa’y iliko
Ang Titanic na kasaganahan bago ang yelo
Ng pagparusa at pagbawi niya’y lantaran
Na maghayag ng kanyang gabi at lamig.

Dahil, firstly, alam mo ang kasaysayan.
Pangalawa, mulat ka’t ang tanging lumpo
Sa iyo: yamot mong bulsa. Ilabas ang balsa,
Itapon ang balisa mong pag-panic, alerto
Kang sumabay sa alon hindi dahil ayaw

Mo nang lumaban sa hangin, kundi alam
Na alam mo kung kailan ka bubuwelo muli
Tungo sa mga nakadungaw’t  di na umaasa.
Ilabas ang balsa sa tamang oras. Waldas ka
Sa pagparaya, ngunit masdan ang tadhana.

First of all, alam mo itong mga parating—
Hindi pating o kalansing ng nawalang lotto
Mo kundi simpleng kumot na gugulat ‘pag
Nagising ka mula sa iyong mga panaginip
Dahil sa malamig na ihip. Di ka magpapanic.

Thursday, September 16, 2010

Tagayan ng Tubig sa Kubo


Sa tingin ko ako ay magtatagumpay,
Tatalon sa dike, kumpare, tatawid sa
Di na kailangang tulay, makararating
Sa basang pampang ng inaasam kong
Kasaganahan. Yeah, ‘pare, I believe

So, so huwag na akong magmukmok
Sa kasalukuyan, tumingin na lamang
Sa malayong rainbow, in another sky,
Everyone’s mirage, ‘pare. Hala, tagay.
Pero alam ko rin, di ko na matitikman

Ang prutas nitong itinanim kong puno,
Di makikita ang wagayway ng dahon
Sa hangin ng mariwasa nitong gubat
Na bukas ay beberde sa ating asul at
Kayumangging magiliw na awiting

Tila hanap nang hanap, mga isdang
Mapupulutan man lang. Sige, tagay.

Friday, August 27, 2010

Labas-Pasok


1. Lumabas Ako’t Nag-Hi! Sa Mga Diskuntentong Kapitbahay . . . (o, Ang Paghahambing Ay Di Pagpapatawad sa Lesser Evil, Bagkus ay Pagkuwestiyon sa Konsepto ng “Lesser Evil”)

na nakayuko sa mga tasa ng pang-umaga nilang
mga reklamong kape na nagsasabing, “what is

happening to our country, ladies & gentlemen?”
Tila nga magulo itong bayan natin, ‘no? ayon
sa mga dyaryo, sa radyo, sa television screen,
sa mga barbero, mga manikurista, mga aso sa
     isang mansyon.

Napagod sa kapakikinig ng mga katotohanan,
kaya nag-internet café at nagpasyang dumayo
sa Somalia. Aba’t tila ganun din ang sigaw ng
kanilang mga “dyaryo” sa dingding, barbero’t
     mga bayolenteng tribo.

Lumipat ako ng New York, di rin nakuntento.
Ganun din ba rito, walang balita kundi gulo
tungkol sa korapsyon, pagkainutil sa police
violence, a lost museum violin, drugs, racism,
     rape, homelessness?

Nagtungo nalang ako’ng Hongkong, & Disney-
land, nakibalita sa kanilang mga radyo, TV at
Triads, mga katulong, mga alipin, mga walang
ngipin, sa magaganda sa casino, sa masasarap
     magluto. Hindi pala

puro Disneyland dito. Dito rin pala ay may mga
sirang-ulo, may mga walang-makain, merong
putol ang daliri, may putol din ang kuryente,
patay ang panalangin. Mayaman nga, di pa rin
     libre sa gulo

ng mga pulitiko, mga magnanakaw, gangsters
at stockbrokers. Kaya nagpasya na akong, sige,
umuwi na lang ng Pilipinas, magbasa ng dyaryo
natin, makinig ng radyo, sa mga barbero, sa mga
     tambay sa kanto.

Namangha ba ako sa nakita ko uling gulo rito, po?
“Naku,” sabi ni lola, “mabait ang ating gobyerno!”


2. Pumasok Ako sa Ere Pagdating Ni Bigote

Ang bobobo nating mga Pilipino, said Bigote.
Balahura, mandaraya, walang disiplina, buwaya.
May crab mentality, magayak sa hospitality.
Why can’t we be like in other countries, where
The people are educated, streets washed w/
     detergent? And all are in the loop!

And the cops are well-trained and honest, and
The parties are the best, and everyone’s united,
pragmatic, individualistic, I’m always excited.
Why can’t we be like that? “Uh, xenophobic?
Foreign land exploiters, media manipulators,
     Bigoted?” And all are just as duped!

Kontradiksyon ng Mga Nasyonalistang Demagogues ng Lumpenbourgeoisie


Tama si Elias Canetti, ang masa
ng bawat nasyon ay sing-hangal,
well, akin na lang ‘to, sing-sira
ng pinakamatalinong bookworm
na nangangating makapasok sa
mga puwang ng kalupaan upang
ipahayag ang kaniyang matagal
nang tinatago, o nagtatagong,
mga pagkasuklam. No such thing
as an intelligent race, compadre,
sabi ko sa kumpare kong pinalayas
ang asawa ng amo nito sa HK,
nang walang 401K, dahil lamang
kababayan nito ang ‘sang namaslang
ng ilang mga turistang Hongkongese
sa lalawigan ng Capiz. Ano naman
ang kinalaman nitong katulong, na
asawa ng kumpare kong ngayo’y
nilalagok ang natitira niyang lata ng
Tsingtao sa fridge? Sabi ko, tama
si Elias Canetti. Ang masa ng
bawat bansa, maging ang sa atin
noong kasagsagan ng pagbitay kay
Flor Contemplacion, ay sing-hangal/
-talino ng ekonomistang parasito.

Ang konstitusyon ng masa ay utak
ng mga pobreng sipsip. Ang mga
tanong nito ay hindi interesado sa
anumang sagot. Ang hangad nito ay
mapasok lang ng pagkasuklam ang
siwang ng mga katawang matagal na
niyang di maintindihan, tulad nitong
radyong peke na gawa sa HK o droga
sa pakete na nasa loob nito na di mo
matimbang ang lalim ng kaakibat na
korapsyon, so what you do is wriggle
your way into its physical bodies with
derision, sucking acid from its fat faces,
stretching proudly like a flagpole within,
made spinelessly expressionistic too like
MSGd and salty Chinese noodles na kung
tawagin nila sa Capiz, maging sa Luzon,
ay pansit, but the imperialism of which
food, though blurry, slurps a slurp heard
all over the world, blaming all but itself
like a customer-wary, very proud cook.

On TV our leaders hold woks, then our
masses talk, e’en as the stock exchanges
beggar their neighbors like fish hook.
Ngayon, marami ang di makalaban dito,
3rd World victims of others’ prosperity,
and consumers solely, kaya bakit dahil
may taga-HK na nahuli sa airport natin
na may dalang mga mapanirang gamot
na di sa boteng maitim, raratratin na rin
nila ang buong lahing yamot, spitting
out buns, tearing all old Cathay Pacific
tickets, na para bang tayo ay mga book-
worms na sing-talino ng nasyonalistang
nangangati. Tama si Elias Canetti, all mob
parasitic species are evasive and dangerous.

Monday, August 23, 2010

Mas Quiet Pa Sa Silent Night, Sa Mahinang Ulan, Itong Tahimik na Buwan sa Taas ng Pekeng Royalismo


Di ko kayang gawin ang ginagawa mo, spat a naive.
No, I said: subukan mo lang, magbabad ka rito nang
sampung buwan, sa kalbaryo ng aming Palasyo. Just
eat it all up, lahat ng panlalait ng Reyna ng tahanan
sa pamamagitan ng mayaman niyang synecdoches,
alliterative rhymes, onomatopoeic mimicry of your

character by sheer imagism. Di siya nakasagot. The
bats of his mind fluttered their wings like the wang-
wang roofs of ambulances, police cars, private cars
with privileged cards and licenses. Is their number
overwhelming the numerous shiver of our bones in
the cold? May magagawa ba ang mga walang laban,
intelehensiyang walang makikinig, puro saliva lang?

Ang pagkasuklam ng nasusuklam ay rabid bite, wet.
Tahimik na buwan, tanging talukbong, warm blanket.