Friday, December 24, 2010

2 Tula


1. Tula ng Misantropo

Anong “tula, tula, mahal kong Tula!” ang
pinagsasasabi mo? Di ba’t doon ka rin pupunta,
sa dambana ng kumikinang na simbahan,
mabangong restoran, matamis na urban park,
maluwag na karaoke booth, mahalay na
furniture shop, marupok na Cinema, taimtim na
department store, matuwid na zoo, magalang na
city hall, matalinong art gallery, bobong roller
rink, matunog na duckpin bowling alley, bulag
na alcohol-free bar, mala-langit na resort, mala-
impiyernong Jacuzzi, walang-panghihinayang
na rides at arcade games, inspiring na gadget
shops, perspiring na pizzerias, pare-parehong cd
music, patay-sinding Christmas trees, atbp.,
isang linggo bago tayo maghiwalay sa Pasko?

Hindi sa terrazzo walk of fame ng sarili mong
barung-barong ka maglalakwatsa, ikaw at ng
iyong thirteenth-month pay, . . . di ba? Sigurado
ako, doon sa coffee house mo dadalhin ang
iyong mga libro ng tula, at doon babasahin ang
mga linyang sumasayaw lang sa harap ng
magagandang taong may mga tula rin sa labi na,
kung susuriin, wala sila rito, ang tanging mga
narito ay mga mamamayang may mga holiday
hot tsismis lang naman tungkol sa kanilang mga
minahal sa nagdaang taon, na, tamang-tama,
iyan ang s’yang napaksiw nang paksa ng tula
kong ito na naghihintay sa ‘yong opinyon dito
sa pinag-ipunan kong cold front ng iyong
paboritong terrazzo floor, dito sa malungkot
mong favorite Starbucks store. Teka, bakit pa ba
magkikita? Mga pangngalan ang iyong
bukambibig, mga pang-uri nasa aking mata.


2. Ang Vlogger at ang Kaniyang Ninong

Pasko, Pasko, Pasko. Pasko na namang muli at muli
kitang nakitang naglalaba ng costume mong Sta. Claus
para sa santong Biyernes ng gabi, noong 2009 Dis.
Muli na naman kitang naamoy, na para bang kasama
ka sa mga baboy at manok ng iyong adobada, ng iyong
menudo, ng ‘yong arroz caldo, at ng iyong piniritong
polvoron “for the poor,” sabi mo. Sino ba ako? Ako
po ito, Ninong, mano po, Ninong, kumusta po kayo?
Kumusta po ang cancer ninyo, balita ko may sampung

taon pa kayo bago mapanalunan niyo at last iyang lotto
sa Langit na balita ko, ayon kay Monsignor B. Nucboc,
ay nakalaan sa ‘yo at sa mga tulad mong pinagpalang
Santa Claus ng munisipyo. Puwede po bang makisakay,
Ninong, at nang ma-video ko ang tour niyo sa Putikan
Street ng mga squatter ng barangay at ang paghahanap
niyo ng ninakaw na kampana ng kapilya? Puwede? Ang
totoo niyan, Ninong, kaming mga nabubuhay na patay,
isang taon naming hinintay itong pagsapit ng Pasko,

di tulad mo, sampung taon pa bago matulad ka namin.
“Haha,” sabi mo, “sa’n mo ba nanakaw iyang camcorder
mo? Aminin.” Sa iyo po ito, bigay niyo! Kaya pangako
ko sa ‘yo, mula ngayo’y irereport ko ang kadakilaan
ninyo, despite sa sikat nang katamaran ko. Tugon niyo,
“‘di tamad ang mahihirap na tulad mo, hijo, namulat
lang na walang kapital, di tulad ko, may namanang
talento at titulo, at tipikal na pulitiko!” Akala ko po ay
negosyante kayo. “Amen. Sponsored ng meyor dito.”

Nang siya’y mamatay, ako ang naging bagong Ninong
ng baryo, bagong mabait na Ninong ng lahat ng tao rito.

Wednesday, December 15, 2010

Para Sa Atin na Mga Walang “Dignidad,” Nasaan Ang Dakilang Espiritu Sa Likod Ng Mahiwagang Teknikalidad? (And Trust We Must In Which God?)



1. Sigawan Sa Gabing Madidilim Sa Mga Darating na Rehimeng Mahalay

Tulad mo, siya’y minsa’y nawawalay sa mga anak.
Sino’ng makapagsasabing di sila mapapariwara’t
Mababarkada sa mga binata at dalagang bulakbol,
Puro basketbol ang alam, mahal na shabu, shabu-
Shabu matapos mag-inuman? Sino? At sino silang

Makapagsasabi na malayo ang aksidente, disasters
Our era—of drugged emotions, machismo—does
Permit? At pagdating sa pa-Inglesang magaling, sa
Imbestigasyon ng pulis at ng mga abugado, katulad
Mo, ano ang magiging laban ng kawalan kumpara sa

Impluwensiya ng gumugulong na inipong pera para
Sa lahat ng hahawak, susunog, maglalakad, magma-
Magic, mag-lologic, mag-iinterview, mag-rereview?
Tragic magic! Ipapasa-Diyos na lang iyang nahalay
At namatay mo? Mga Diyos-Diyosan dito, kaninong

Diyos ba siya tatakbo? Sa Jews’? Saan? SA-AAN?!!


2. Martsa ng Bagong Umaga Sa Likod ng Lumang Korteng Matakaw

Sa sarap ng agahan ninyo di niyo ako napapansin.
Meron sana akong sasabihin, pero alam ko rin na

Wala ritong tatanggap dahil ito’y pisong salita
Lamang. So, okey, di ko ipagpipilitan, ako ay

Pipilipit na lang muna, dahil alam ko namang sa di
Maiiwasang pagliko ng sinag ng araw may dadakpin,

May iipitin, may lulutuin itong bagong Sunny Side Up.

Monday, November 22, 2010

Cultural Center Ninyo


Katukin mo man nang katukin ang konting kontak mo
sa mga kritikong bulag pa rin sa laman ng kinaiinisang
kalaboso, malamig pa rin ang magiging himig ng tula
mong musmos pa sa tumatanda nang sigaw nitong siglo.

Ikaw si makatang makatao, sila si estetikong hari ng . . .
ng style at smiles sa aisles nitong cultural center ninyo.
Ako, sino ba akong wasted na nagmamasid sa kultura
nila na bumaon na sa lalamunang kumukokak sa Taste?

Haste makes waste, ika nga, at late na ang lahat para
maayos pa ang puno ng duhat sa hardin ng rosas. Hala,
ipagpatuloy nila yan, baka sakaling umulan, buwanan
pa naman kung kumita ng stipend sa binuwayang buwis.

Huwes daw akong inggit laang. Sabi ko naman, abugado
sila sa mga krimen ng nakasanayang kawalang-saysay
na sumasayaw sa entabladong di pinapanood ng tao
kundi ng mga matatalinong gago sipping wine sa likod

ng pinto na kung kakatukin mo, walang lilingon sa ‘yo.
Ganti lang siguro ‘to sa ‘ting mga di sisipsip sa soprano.

Wednesday, November 17, 2010

Saan Ka Pupunta?


Báka. Ninakaw ng isang manlalakbay.
“Baka ikaw,” sabi niyo, “baka pati isang
Baboy ko dinala mo, kung saang lupalop
Mo man dinala.” Barangay nagparatang,
Isang sakuna sa kapalaran ng aking Itay.
Malas. Walang masamang tinapay pero
Minalas, buti na lang at tinanggap ni Itay
Ang tadhana, binura lahat, asa sa abugado,
Lahat ng gustong mangyari, sa damdamin.
Ngunit heto kami’t pinilit siyang umaksyon
Ayon sa nararapat na aksyon, at ayon din sa
Kinakailangang aksyon. Yun. Siya’y kumilos
At sumilong sa nakaambang na puting ambon,
Lingid sa kaalaman ng baboy niyang abugado,
Lingid sa damdamin ng mga tao, maliban dito
Sa lupalop kung saan dinala niya ang pag-asa.

Walang masamang tinapay ang ating tadhana.
Oi, ninakaw ng isang baka ang manlalakbay!
Hustisya! Aksyon! Makaaasa ka sa ambon!